Fifth sariling kuwento ang pinagawa kay Alex
Kuwento naman pala ni Fifth Solomon ang pelikulang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka na pinagbibidahan nina Alex Gonzaga at Vin Abrenica. Sariling karanasan niya ito tungkol sa pag-iwan sa kanya ng kanyang minamahal. Naswertihan niya na bukod sa kanya ang kuwento ay siya pa ang magdidirek ng pelikula. Mayro’n naman siyang kaalaman sa pagiging direktor dahil nag-aral siya ng film directing sa Australia pero, hindi lang niya natapos dahil sa kakapusan niya ng kaalaman para mabilis niyang maintindihan ang Australian accent.
Pangako niyang tatapusin ang kurso kundi man sa Australia ay baka sa Amerika. Para lang mabuo ang unang directorial chore niya, pinakiusapan niya ang mga artista niya sa movie na honorarium lamang ang makakaya niyang ibigay sa kanila at pumayag naman sina Rufa Mae Quinto, Joj at Jai Agpangan, DJ Jaiyo, Jerald Napoles, Candy Pagilinan at Ricci Chan.
Palabas na ang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka sa Miyerkules.
Denise at Sol hindi pa makahanap ng petsa ng kasal
Itinadhana marahil ng kapalaran sina Denise Laurel at ang nakahiwalayan niyang boyfriend na si Sol Mercado. Hindi lamang sila nagkabalikan, tinanggap na rin ng aktres ang marriage proposal ng sikat na basketbolista, hindi pa nga lang sila nakakapili ng exact date para sa kanilang wedding.
May isang anak sa dati niyang karelasyon si Denise na tanggap at mahal ng atleta. Bukod sa walang humpay na paglalaro ng basketball ni Sol, patung-patong din ang mga project na ginagawa ni Denise kaya hirap silang makahanap ng schedule.
Kahirapan na dinaranas natatabunan ng ‘pasko’!
Napakaswerte naman ng gobyerno natin na dahil sa maaga at mahabang selebrasyon natin ng Kapaskuhan ay nagagawang makalimutan ng mga nagugutom at nagkakandahirap ang halos wala nang halaga ng kakaunting laman ng kanilang bulsa ang malaki nilang problema. Nabawasan din ang iniinda ng mga namatayan, nawalan ng tahanan at mahahalagang gamit sa bahay at buhay dahil sa bagyong Ompong ang masayang mga programa sa TV na nagbabadya ng pagsilang ni Hesus. Ibalik n’yo lang agad ang kuryente sa kanilang lugar at mapapadali ang rehabilitasyon ng mga nasalanta at biktima ng kaaalis na bagyo. Maski na rin sa mga rehab at evacuation centers naisip n’yo bang lagyan sila ng isang malaking TV para hindi sila mainip at may pagkaabalahan. Nakakagalit talaga na hindi pa man tayo nakakaraos sa hagupit ng nakaraang habagat at ni Ompong ay hahagupitin na naman tayo ng price increase sa gasolina na hahatakin na naman pataas ang presyo ng lahat ng bilihin! Wala bang magagawa ang gobyerno para ito mapigil?
- Latest