Janella mahiyain pa!
Kabadong-kabado si San Juan Vice Mayor Janella Estrada nang makaharap nito ang members ng entertainment writers noong Miyerkules dahil first time niya na dumalo sa isang showbiz presscon.
Hindi pa rin nawawala ang pagiging mahiyain ni Janella na sanay nang makihalubilo sa maraming tao dahil matagal na siyang involved sa public service. Naglingkod noon si Janella na konsehal at siya ang incumbent vice mayor ng San Juan.
Limang taon nang public servant si Janella dahil 2013 nang manungkulan siya bilang konsehal.
“First time ko na tumakbo na councilor noong 2013 na talagang hindi ako kilala ng mga tao and lagi nilang sinasabi na nanalo ‘yan dahil anak ni Jinggoy, apo ni Erap (Joseph Ejercito Estrada) pero simula nu’ng councilor ako, pinatunayan ko sa kanila kung ano ang mga kakayahan kong gawin para po sa aking constituents.
“Ngayon pong vice mayor ako, marami rin po akong nagawa na kauna-unahan sa San Juan. Nu’ng tumakbo ako na vice mayor noong 2016, isa po sa mga advocacy ko ‘yung pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
“Actually, ngayon po, meron kaming 400 hundred na surrenderees at ako po ang nagha-handle ng City Anti-Drug Abuse Council, ipinagkatiwala po ‘yan sa akin ni Mayor Guia (Gomez, incumbent mayor ng San Juan).
“At bilang wala kaming rehabilitation sa San Juan, gumawa po ako ng alternative, ‘yan po ang rehabilitation sa barangay at ‘yung 400 surrenderees, halos lahat sila, maayos na at binigyan ko ng trabaho sa pamahalaan ng lungsod ng San Juan,” ang pagpapakilala ni Janella sa sarili.
Sa totoo lang, hanga ako kay Janella dahil napakagalang niya na bata at very humble. Hindi nawawala ang po at opo niya sa kanyang mga nakakausap.
Proud father si Jinggoy dahil mahusay at may integrity na public servant ang panganay na anak nila ni Precy Vitug-Ejercito.
Mapapansin sa asal ni Janella ang maganda at maayos na pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya.
Sinabi ni Jinggoy na nakita nito kay Janella ang determinasyon at sinseridad na makatulong sa mga kababayan nila sa San Juan.
Bago siya naging senador, naglingkod muna si Jinggoy bilang vice mayor ng San Juan hanggang mahalal siya na alkalde ng bayan na pinaunlad noon ni Papa Erap.
Dahil love ni Jinggoy ang movie industry, may plano pa rin siya na mag-produce ng mga pelikula pero hindi pa sa ngayon.
Buo na ang desisyon ni Jinggoy na kumandidato bilang senador sa eleksyon sa 2019 at alam niya na hindi maipalalabas ang kanyang pelikula sa panahon ng kampanya.
Ang pag-iikot sa buong Pilipinas at pagkonsulta sa mga tao ang priority ni Jinggoy na natutuwa dahil sa napakainit na pagtanggap sa kanya ng mga kababayan natin sa lahat ng lugar na pinupuntahan niya.
Hindi isyu kay Jinggoy kung mag-decide din na tumakbo na senador sa 2019 ang kanyang half-brother na si JV Ejercito.
Walang nakikita na conflict si Jinggoy dahil nagpang-abot naman sila ni JV sa senado bago natapos ang termino niya.
Hindi naman malilito ang mga botante dahil Estrada ang ginagamit ni Jinggoy na family name at Ejercito si JV.
- Latest