Liza Diño nasagot ang mga hinaing ng mga direktor, CEB members naIpagtanggol ang posisyon
Di kinaya ang role, Winwyn umayaw sa teleserye
PIK: Kapag orchestra ang nagpi-perform sa isang palabas gaya ng concert, hindi ito gaanong na-appreciate ng karamihang manonood dahil ang taas ng dating, at napakamahal mag-mount ng isang orchestra, lalo na kung 100-piece orchestra ito.
Kaya ang dating, pang-sosyal talaga itong orchestra. Pero itong nalalapit na concert ng The Manila Philharmonic Orchestra sa ilalim ng founder nilang si Maestro Rodel Colmenar, kakaiba ang mapapanood at tiyak na magugustuhan ng masa dahil sa kakaibang areglo lalo na’t special guest nila ang The Clash judge na si Lani Misalucha.
Hindi akalain ni Maestro Rodel Colmenar na mapa-oo raw niya agad si Lani nang biniro raw niyang maging bahagi sa kanilang 20th anniversary concert.
Kaya sa September 1, isang kakaibang selebrasyon itong gaganaping 20th anniversary ng MPO dahil kasama si Lani na kung saan kakantahin niya ang ilang hit songs niya na iba ang areglong ginawa ni Maestro Colmenar para sa kanyang 100-piece orchestra.
Gaganapin ito sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines.
“Hindi lahat ng singers makapag-concert with the 100-piece orchestra kasi it’s very expensive.
“So, this time we’re going to give Lani the experience of singing with the 100-piece orchestra na hindi pa niya nagawa noon,” dagdag na pahayag ni Maestro Colmenar.
PAK: Hindi na pala matutuloy si Winwyn Marquez sa ginagawang drama series ng GMA 7 na Pamilya Roces na dinidirek ni Joel Lamangan.
Ayaw sanang magsalita ni Winwyn tungkol sa di pagkatuloy sa naturang serye dahil ayaw naman daw niyang pangunahan ang GMA 7. Pero ang dami na kasing nagtanong sa kanya tungkol sa seryeng iyun, kaya inamin na niyang hindi na siya matutuloy dahil sa role na medyo maselan daw at hindi puwede sa kanya bilang may advocacy siya para sa mga kabataan.
Ani Winwyn; “Meron kasing scenes na medyo sensitive ng konti na hindi siya in line sa dapat kong gawin. So we have to wait for the right project.
“I felt sad siyempre. Excited ako na maka-work si direk Joel. Nakausap ko naman siya, naintindihan naman ni direk Joel, naintindihan naman ng buong production, and I’m very happy na walang bad blood or anything.
“Buti na lang, hindi pa ako nag-cause ng kahit na anong delay sa kanila kasi hindi pa talaga ako nagdi-day one.”
Hanggang ngayon ay active si Winwyn sa kanyang advocacy na education sa mga kabataan, at tuluy-tuloy ang kanyang community engagement program na kung saan namimigay siya ng mga libro sa mga school sa iba’t ibang lalawigan at nagtuturo pa siya sa mga bata.
BOOM: Maayos ang ginanap na forum kaugnay sa isyu ng ilang filmmakers sa FDCP at CEB, na nagsimula sa ‘di pagbigay ng grado sa pelikulang Balangiga: Howling Wilderness.
Ginanap ito sa QCX sa Quezon Memorial Circle kamakalawa ng hapon na dinaluhan nina FDCP Chairperson Liza Diño, CEB head Christine Dayrit, ang abugado nila at ang filmmakers na sina direk Khavn dela Cruz at Richard Somes, ang Manunuri na si Patrick Campos, at head ng FAMAS na si Ricky Lee.
Isa sa nabanggit ni Ms. Dayrit ay willing siyang mag-tender ng kanyang resignation kapag meron lang kapalit.
Marami kasi ang nagkuwestiyon sa overstaying daw ng karamihang miyembro ng naturang ahensya. Pero maayos na ipinaliwanag ng FDCP Chairperson na matagal nang gustong umalis ng mga miyembro pagpalit ng administrasyon. Hindi lang sila makaalis dahil wala namang kapalit. Kaya hindi raw yun matatawag na over staying kundi hold order position sila.
May dalawampu na raw na ni-recommend ni Liza, pero wala pang sagot ang Malacañang. Kaya hinihintay na lang nila kung sino ang mga i-appoint ng Presidente.
Iginiit ni Chairman Liza na bukas ang tanggapan niya sa lahat ng isyu, lahat na hinaing ng bawat filmmaker. Puwede raw iyung pag-usapan basta sumunod lang sa tamang proseso na sumulat, magsumite ng letter of complaint, hindi yung sa social media lang idaan.
Sabi pa nga niya nung nakausap namin bago nagsimula ang forum; “May paraan para magtulungan tayo, mapag-usapan ang problema.
“May paraan para masolusyunan yung mga pangyayari. I think there are better ways to resolve it than going on social media, and fighting and doing all these negativity.
“Kung gusto natin ng solusyon, you go to the source, and discuss it with the source. How can you achieve solution kung ang solusyon natin ay para ma-address ang problema. Nandito lang kami, we’ve been waiting for them to send us the letter formally.”
- Latest