Joed nagka – utang-utang sa concert ni Celine Dion
Big time concert producer na ngayon si Joed Serrano na dating That’s Entertainment member.
Una siyang nakilala bilang myembro ng sikat na programa ni Master Showman German Moreno pero, nang mawala ang programa ay nagpasya siyang mag-artista muna bago nagprodyus ng local shows at kalaunan ay nag-import na rin ng foreign artists.
Pinakahuling project niya ay ang matagumpay na concert ni Celine Dion na humakot ng manonood sa MOA kahit sa kasagsagan ng habagat. Nakita lamang ng manonood ang kagandahan ng palabas at ang galing ng nag-concert, ang hindi nila batid ay halos atakihin muli sa puso si Joed dahil sa halos hindi pagkakatuloy ng palabas dahil kinapos ito sa budget at kung hindi sa kagandahang loob ng ilang mga kaibigan niya na nagpahiram sa kanya ng pera ay baka mas lumaki pa ang problema na kinaharap niya bukod pa sa pinansyal.
Bago si Celine, si Joed din ang nag-prodyus ng mga concert dito nina James Ingram, Katy Perry, Psy, the Stylistics at sa local scene naman ay ang launching concert ni LA Santos. Pangarap ni Joed na makabuo ng isang palabas na magtatampok sa bagong henerasyon ng That’s Entertainment na mga anak ng mga dating myembro ng programa. Marami ang humihiling kay Joed na dalhin naman sa bansa si Barbra Streisand bago man lang ito tuluyang magretiro sa pagkanta.
Coney maraming narinig tungkol kay Alden
Hindi naman pala tuluyang iiwan ni Coney Reyes ang pagtanggap ng project sa ABS-CBN.
Wala siyang kontrata dito. Nagkataon lamang na libre siya kaya nagawang matanggap ang offer ng GMA para makasama sa cast ng Victor Magtanggol na magsisimulang mapanood ngayon. Mag-ina ang role nila ng Pambansang Bae na nabalitaan lamang niya ang kagandahan ng ugali at galing sa pag-arte kung kaya na-excite siya na makatrabaho ito at napatunayang totoong lahat ang nababalitaan niya tungkol dito. Masaya rin siya sa kaalamang matagal hinintay ng Kapuso network ang kanyang availability.
Mamma Mia kakaiba ang pang-aliw
Ang ganda talaga at kaaliw-aliw ang Mamma Mia. Kung tagahanga kayo ng ABBA ay hindi n’yo ito palalampasin.
Aliw din ako na makita sina Pierce Brosnan, Colin Firth, Andi Garcia sa kanilang senior roles at maging sina Amanda Seyfried na gumanap na anak ni Meryl Streep at Lily James na gumanap naman bilang kabataang Meryl. Isang mahaba at magandang flashback ang pagsisimula ng character ni Streep na minsan lamang nakita sa movie, sila ni Cher pero, memorable ang short appearance nila.
Bihirang gumawa ng pelikulang musical dito, mukhang hindi ito tipong panoorin ng mga Pinoy. Magaganda ‘yung Doo Bido Bidoo na nagtampok sa music ng APO, at kina Gary V, Zsazsa Padilla at Ogie Alcasid; Ang Larawan nina Joanna Ampil at Rachel Alejandro at maging yung Changing Partners ni Agot Isidro pero, sadly, malamlam ang naging pagtanggap dito ng mga manonood.
CONGRATULATIONS…
Binabati ko ang mga kaibigan ko at dating mga boss na sina Pocholo Mallilin at Cris Nicolas, administrator at artistic director ng Club Mwah sa tinanggap nilang parangal for Outstanding Achievement in Arts and Entertainment mula sa Golden Globe Annual Awards at Golden Eagle Awards. Patuloy ang tambalan sa pagbibigay ng magagandang palabas sa Club Mwah, Biyernes, Sabado, Linggo sa loob ng mahigit isang dekada sa pangunguna ng Follies de Mwah. Congrats sa kanila.
- Latest