Kape at Salita, mapapanood sa DZMM
MANILA, Philippines — Simula Hunyo, napakikinggan at napapanood na sa DZMM 630 at DZMM TeleRadyo ang programang Kape at Salita tuwing Sabado kasama sina Bro. Bo Sanchez, Bro. Randy Borromeo, Bro. Alvin Barcelona, at Rissa Singson-Kawpeng.
Hatid ang salita ng Diyos mula 5 am hanggang 6 am, pakay ng programang palakasin ang pamilyang Pilipino sa tatlong aspeto ng buhay: pananampalataya (Faith), pamilya (Family), at pera (Finance) o ang 3 Fs, patungo sa isang mas maunlad at matatag na Pilipinas.
Bunga ang programa ng pagsasanib-puwersa ng DZMM at Shepherd’s Voice Radio & Television, Inc. (SVRTVI) o Kerygma Radio, na kamakailan lang ay nagsama sa isang memorandum of agreement signing sa ABS-CBN upang pagtibayin ang kanilang pagtutulungan.
Dinaluhan ito ng mga anchor ng Kape at Salita, kasama sina ABS-CBN Integrated News and Current Affairs head Ging Reyes, ABS-CBN Integrated News and Current Affairs ecosystem head Dondi Ocampo, DZMM Head Marah Capuyan, SVRTVI/Kerygma executive director Hermie Morelos, si Bro. Bo, Bro. Randy, na nagsisilbi ring SVRTVI/Kerygma assistant executive director.
Ayon kay DZMM head Marah Capuyan, ang Kape at Salita ay pagpapatuloy ng DZMM sa pagbibigay ng de kalidad at napapanahong mga programa para sa sambayanang Pilipino.
“Bukod sa pagpapanatili ng pangakong una sa balita, nais din ng DZMM na mas paigtingin pa ang aming serbisyo publiko at naniniwala kaming sa pamamagitan ng programang ito ay marami pa kaming mapaglilingkurang pamilyang Pilipino sa aspeto namang ispiritwal,” aniya.
Ayon naman kay Bro. Bo, malaking bagay ito sa kanilang layuning mailapit ang salita ng Diyos sa mas maraming tao.
Simulan ang umaga na puno ng pag-asa at pananampalataya kasama ang Kape at Salita tuwing Sabado ng 5 am sa DZMM 630 sa AM radio at DZMM TeleRadyo sa cable at ABS-CBN TVplus.
- Latest