KMJS namamayagpag
MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ng multi-awarded news magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Noong nakaraang Linggo (July 1), pumalo sa 16.1 percent ang overnight people audience rating ng KMJS sa NUTAM (National Urban Television Audience Measure). Ito ang pinakamataas na rating na naitala ng programa.
Ayon sa datos ng Nielsen TV Audience Measurement, ang KMJS din ang pinaka-pinanood na Kapuso program sa buong bansa noong June.
Sa July 1 episode ng KMJS, nasilayan ng lahat ang pagtatapos sa paghahanap ni Ryan Mendoza sa kanyang tunay na ina. Taong 2016 nang nalaman ni Ryan na isang OFW sa Italy, na siya’y isang ampon. Hindi naging madali ang tila teleseryeng paghahanap ni Ryan. Ilang linggong sinundan ng KMJS ang kuwento niya na umantig sa puso ng mga manonood. Hanggang sa nitong Hunyo, dalawang babae ang nagpakilalang ina ni Ryan—si Maritess Tolentino at Gina Castillo.
At nitong July 1, tila tumigil ang mundo ng Kapuso viewers habang hinihintay ang resulta ng DNA test ng dalawang ginang. Sa huli, napatunayan na si Maritess ang tunay na ina ni Ryan.
Kinikilala naman ang program host ng KMJS na si Jessica Soho bilang most awarded at most trusted broadcast journalist sa bansa. At kamakailan lang ay ipinaalam sa publiko na si Jessica ay tatanggap ng UP Gawad Plaridel Award for Journalism mula sa University of the Philippines-College of Mass Communication.
Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo pagkatapos ng The Clash sa GMA-7.
- Latest