Cristine ginagamit ang social media para magpapansin!
Hindi believable ang tsismis na hiwalay na sina Cristine Reyes at Ali Khatibi dahil ginagamit pa rin ni Cristine sa social media ang apelyido ng asawa niya.
Binigyan ng malisya ng mga tsismosa ang hindi pag-follow ni Cristine sa Instagram account ng kanyang asawa.
Hindi naman sapat na basehan ‘yon para sabihin na hiwalay na sila. Normal lang sa mga mag-asawa ang magkaroon ng mga tampuhan at hindi pagkakaunawaan kaya maghinay-hinay sana ang mga intrigera sa pagkakalat ng balita.
Maniwala lang tayo na tapos na ang relasyon ng dalawa kung aamin sila sa publiko. Malay natin, sinadya ni Cristine na huwag sundan ang social media account ni Ali para malito ang mga tao na ipinipilit na hiwalay na sila, kahit walang ebidensya at hindi totoo.
Susan aliw na aliw sa 2 Mommies
Pinanood ni Susan Roces ang My 2 Mommies at nagustuhan niya ang Mother’s Day offering ng Regal Entertainment Inc.
Tinawagan pa ni Manang Inday sa telepono si Dolor Guevarra para ikuwento na naaliw siya sa pelikula nina Paolo Ballesteros, Solenn Heussaff at Maricel Soriano na Graded A ng Cinema Evaluation Board.
Si Dolor ang manager ni Eric Quizon, ang direktor ng My 2 Mommies. Mahusay naman talaga na direktor si Eric kaya hindi nakapagtataka na pinupuri ang bagong pelikula niya sa Regal na siguradong masusundan pa.
May project si Eric para kay Maricel na agad na binigyan ng green light nina Mother Lily at Roselle Monteverde. Ayaw pa ni Eric na i-reveal ang kuwento ng pelikula na bagay na bagay raw kay Maricel ang role.
Jenny at Paolo, wagi
Congrats kina Jenny Quizon at Paolo Marquez dahil win sila sa naganap na eleksyon sa barangay noong Lunes, May 14.
Parehong malapit sa puso ni Alma Moreno sina Jenny at Paolo.
Si Jenny ang manugang ni Alma dahil siya ang misis ni Vandolph. Si Jenny ang nag-win na kapitan sa Barangay Tambo sa Parañaque City.
Ang layo-layo ng narating ni Jenny na nag-umpisa ang showbiz career bilang member ng isang dance group, sinubukan ang pag-arte at eventually, naging misis ni Vandolph na incumbent councilor sa Parañaque City kaya pareho na sila na mga public servant.
Stepson naman ni Alma si Paolo, ang anak ni Joey Marquez na nanalo na barangay chairman sa Barangay BF, Parañaque City. Kapatid ni Jeremy si Paolo at ito ang pumalit sa kanya na barangay captain ng Barangay BF.
Mga karay-karay lang noon ni Joey sa studio ng GMA 7 ang kanyang mga anak kaya nakakatuwa na involved na rin sila sa public service tulad ng kanilang ama na naglingkod noon bilang vice mayor at mayor ng Parañaque City.
Barangay election nakakaloka ang mga kaganapan
Nakakaloka ang idinaos na eleksyon sa barangay noong Lunes dahil sa mga kaguluhan, vote buying at mga anomalya na umiral. Halalan pa lang sa barangay ‘yan kaya may idea na tayo sa mga posibleng mangyari sa pambansang halalan sa susunod na taon.
Ipinakita nga pala sa mga news program noong Lunes ang mga senior citizen at PWD na nahirapan sa pagboto dahil sa matataas na hagdan na inakyat nila.
Nagpapasalamat ako dahil pinagtuunan ng pansin ng mga news program ang plight ng mga senior citizen at ng mga kababayan natin na may kapansanan bilang ito rin ang reklamo ko noong Lunes. Nagdusa ako sa pag-akyat sa third floor ng school na pinuntahan ko para lang makaboto ako.
- Latest