Aktor na guwapo at flawless, naging choosy sa mga bading kaya hayahay ang buhay
Mapangarap ang isang kilalang male personality. Kakambal ng pagiging mapangarap niya ay ang pag-iral ng inggit sa kanyang sistema. Sa mabilisang paraan ay gusto rin niyang magkaroon ng mga luho sa buhay.
Hindi kapani-paniwalang mula sa kinikita niya nanggagaling ang magagarang granatsa niya sa buhay, una ay maliit lang naman ang talent fee niya, ikalawa ay hindi naman regular ang kanyang trabaho.
‘Yun ang matagal nang pinagpipistahang isyu tungkol sa male personality. Bakit at paano siya nakasusunod sa uso? Bakit nakakaya niyang makipagsabayan sa kanyang mga kapwa artistang may kapasidad na masunod ang kung anumang gustong maipundar ng mga ito?
Bakit napakahayahay ng kanyang kabuhayan showcase, sino ang nasa likod ng kanyang mga luho, kung pagkuwentuhan ang male personality sa mga umpukan ay sobrang tustado na siya sa pagkasunog.
Kuwento ng isang source, “Magaling pumili ng benefactor ang guy, hindi siya patakbuhin, pinag-aaralan niya muna ang lagay ng bulsa ng nakikipag-close sa kanya.
“Kailangang may matatag na negosyo ang becking nagpaparamdam sa kanya, dahil kung ordinaryo lang ang kinikita nu’n, e, siguradong hindi makapapasa sa pansala niya!
“Malakas ang radar niya pagdating sa pagkilatis sa mga becking nagpaparamdam sa kanya, malakas ang signal niya sa ganu’n, para magkaroon ng saysay ang kaligayahang ibibigay niya,” napapailing na kuwento ng aming impormante.
May kuwento pang lumalabas na marunong maghanda para sa kanyang kinabukasan ang kilalang male personality. Oo nga at mahilig siya sa kung ano ang uso ay nagtatabi siya ng halagang madudukot niya kapag lumipas na ang ningning ng kanyang pangalan.
“Sabi ng mga friends niya, e, hindi na siya magdarahop. Malaki na ang ipon niya, marunong siya sa paghawak ng pera, hindi na siya maghihirap kahit tumigil na siya sa pag-aartista.
“Banye-banyerang datung na raw ang naiipon niya, sigurado na ang kinabukasan niya at ng family niya. Ikaw na ang maging guwapo na, e, super-flawless pa!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Andre at Kobe gumaan na ang pakpak!
Pinakamaligayang ina sa mundo ngayon si Jackie Forster. Hindi biro ang labingdalawang taon ng kanyang paghihintay para muling makita at mayakap at mahalikan ang kanyang mga anak na sina Andre at Kobe.
Naging saksi ang publiko sa mga nakaraang taon ng kanyang pagsusumamong makita ang kanyang mga anak, pero mukhang bingi pa ang langit sa kanyang mga hiling, hanggang sa dumating na nga ang tamang panahon.
Wasak na ang pader ngayon sa pagitan ng mag-iina, tulay na ang kanilang binuo para bumawi sa mga panahon ng kanilang pangungulila, totoong-totoo ang sinabi ni Jackie na kapag niloob ng Diyos ay walang sinumang makahaharang.
Magaan na ang mga pakpak ngayon nina Andre at Kobe. Makalilipad na sila nang todo dahil sa wakas ay natuldukan na ang problemang bitbit nila kahit saan sila magpunta.
Ilang araw pa lang ang nakararaan ay nagkita kami ni Benjie Paras sa TV5, kasama nito ang napakaguwapo nitong anak na basketbolistang tinitilian ng mga kababaihan at sangkabaklaan, napansin namin na maaliwalas na ang dating ng mukha ni Kobe.
Kaya naman pala. Pagpasok pa lang pala ng 2018 ay nagkita na silang mag-iina sa Amerika, nag-usap sila sa telepono at pagkatapos nu’n ay lumipad na si Jackie sa Amerika mula sa London, ‘yun na ang una nilang pagkikita pagkatapos nang mahigit na labingdalawang taon.
Nakumpleto ang kanilang kaligayahan nang tatlo na silang magkakasama, halos ayaw nang bitiwan ni Jackie si Andre, ang kanyang panganay na pinasalamatan niya sa paggabay kay Kobe habang malayo siya sa kanyang mga supling.
Wala nang kulang ngayon sa mag-iina. Kumpleto na ang kanilang kaligayahan dahil nasa proseso na sila ng pagbawi sa mga nakaraang taon sa kanilang buhay na watak-watak sila.
At isang pagsaludo kay Benjie Paras na hindi humadlang sa paghahanap ng kanyang mga anak kay Jackie. Ganu’n talaga ang bawat anak, hinahanap-hanap ang amoy ng kanilang ina, sa kaligayahan at kabiguan ay mommy lang ang kanilang isinisigaw.
- Latest