Sofia hindi atat sumikat!
May isang bagong mamahalin ang mga tagasubaybay ng showbiz. Medyo matagal na rin siya sa pangangalaga ng Viva pero, nito lamang inilunsad ang pangalawa niyang single na Thinkin Of You. Lubos siyang nakilala ng media, so much so na nakalimutan ng marami ang hindi magandang impresyon nila sa kanya sa hindi sinasadyang pagkakalahok niya sa isang usapang pampulitika may ilang panahon na ang nakakaraan. Matagal na ito at halos natabunan na ng napakagandang talento na ipinamalas niya sa unang pagharap niya sa press. Ang maganda kay Sofia Gonzales Romualdez ay ang naiibang tunog ng mga ginagawa niyang kanta. Be it a cover o sarili niyang komposisyon, maganda niyang napi-perform ito. Mas maganda pa sana na hindi lang sa video niya naipamalas ang galing niya sa pagtugtog ng mga musical instrument kundi maging sa live performance niya kasaliw ang isang banda na binuo ng kanyang ama makatapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda at kamukha niya ay naging biktima rin ng bagyo.
Hindi rin magawang masira ng dumaang bagyo ang ispirito ni Sofia na nahiwalay sa kanyang ina at kapatid nang ragasain ng bagyong Yolanda ang kanilang lugar at kinailangan niyang kumapit sa isang poste ng dalawang oras bago siya nasagip.
Ang maganda kay Sofia hindi siya atat maging star. Tama na ‘yung maibahagi niya ang kanyang love for music at makagawa ng mga kanta na magpapamalas ng kanyang damdamin. Hindi man niya intensyon, ang nakatakdang pagsikat niya ay magiging malaking tulong din sa kanyang lugar sa Tacloban at sa ginagawang effort ng kanyang mga magulang hindi lang para maibalik sa dati ang Tacloban kundi mas mapaunlad pa ito.
Andre maselan sa babae!
Aakalain mo na dahil napakaguwapo niya, matangkad at isang artista ay magiging habulin na si Andre Paras ng mga kababaihan. Hindi pala dahil since mag-artista siya, napanatili niya ang pagiging single niya. Hindi man maiwasang ma-link siya sa mga nakakasama niya sa trabaho, tulad nina Barbie Forteza at Mikee Quintos, nanatili silang magkakaibigan lamang. Never siyang nagtangkang ligawan sila. Nakatuon siya sa pag-aartista niya. Maski nga ang gustung-gusto niyang gawing magbasketball ay palaging nasa background lamang. Buti na lamang at sa AMA League ay naiibsan ang kanyang pagka-uhaw sa laro na kung saan ay nakilalang una ang kanyang ama na si Benjie Paras at ngayon naman ay ang kapatid niyang si Kobe Paras. Siya gusto niyang magpakilala kundi man sa basketball din ay sa pagiging isang artista. Kasama siya sa cast ng Sherlock Jr. bilang isang good cop. Mapapanood din siya sa Sunday Pinasaya at sa Sirkus.
Ian bibigyan buhay ang national artist
Bago nakilala para sa kanyang mga makasaysayang obra, binigyang kulay ng pag-ibig at pinatibay ng iba’t ibang karamdaman ang buhay ng National Artist for the Visual Arts na si Cesar Legaspi.
Tunghayan ang kwento ng kanilang buhay ng asawang si Betty sa natatanging pagganap ni Ian Veneracion at Angel Aquino sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi sa ABS-CBN.
Lumaki bilang isang masakiting bata, nadiskubre ni Cesar na siya ay color blind pagtungtong niya ng kolehiyo habang nag-aaral ng fine arts. Ngunit hindi ito naging hadlang para abutin niya ang kanyang mga pangarap at magpatuloy sa pagpinta.
Nakikilala niya si Betty ngunit hindi magiging madali para sa dalawa ang kanilang relasyon dahil tutol ang pamilya ng dalaga sa kanya. Pero, pumayag na ang pamilya ng dalaga na magpakasal ang dalawa. Magiging bedridden si Cesar dahil sa emphysema, at kinailangan din niyang talikuran ang sining upang magtrabaho sa isang promotions company.
Paano nga ba ipinagsabay ni Cesar ang pagpapakadalubhasa sa pagpipinta at pakikipaglaban sa pag-ibig?
Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Jeffrey Jeturian at panulat ni Benson Logronio.
- Latest