Basurerong nakapulot ng kalahating milyon tsinika ni Jessica
MANILA, Philippines — Marami ang nakatutok gabi-gabi sa GMA primetime show na Kambal, Karibal. Ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, kilalanin pang lalo ang dalawa sa hottest teen stars ngayon na napapanood dito—sina Kyline Alcantara at Pauline Mendoza.
Bibisitahin naman ng KMJS ang isang bayan sa Iloilo na sagana raw sa white sand beaches at sandbars. Puwede nga raw itong alternatibong summer destination dahil na rin sa nakatakdang pagsasara ng Boracay.
At eksakto sa init ng panahon ngayong summer ang napakasarap na halo-halo. Abangan ang mga patok na halo-halo mula sa Laguna at Zamboanga na naging susi pa raw upang umasenso ang ilang mga taga-rito.
Ihahatid din ng KMJS ang kuwento ng Belgian national na si Connie na lumipad pa-Bacolod sa paniniwalang dito niya matatagpuan ang kanyang inang Pilipina na pinaampon siya noong dekada otsenta. Magtagumpay kaya siya?
Wala namang ininom na gamot at hindi rin nagpa-opera. Pero ang ipinanganak na babaeng si Merfat, lalaki na raw ngayon?! Paano nangyari ito?
Tila isinumpa raw ang isang pamilya sa isla ng Talicud sa Davao del Norte. Ang ilaw ng tahanan, nabulag. Ang dalawa sa kanyang mga anak, halos tatlong dekada nang nakaratay, habang ang isa naman hindi makontrol ang pagpitik ng leeg. Ano ang magagawa ng isang bulag na ina para sa mga anak niyang nangangailangan din ng gabay at kalinga?
At alamin ang ginawa ng basurerong si Emmanuel nang mula sa tumpok ng mga basura, nakapulot siya ng halos kalahating milyong piso!
Abangan lahat ng ito sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo ng gabi, pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines, sa GMA-7.
- Latest