Tem5ive nakikipagsabayan sa mga sikat na K-Pop group sa Korea!
MANILA, Philippines — Mga Pinay ang member ng isa sa mga sikat na female group sa Korea, ang TEM5IVE.
Limang naggagalingang mga Pinay na sumabak sa auditions at challenges bago naging miyembro ng nasabing grupo na sumikat sa Korea.
Ang TEM5IVE na ang ibig sabihin ay Touching People’s heart, Emotionally, Mentally ay binubuo nina Sarrah, Jyrrah, Rayna, Katy at Robie na may magkakaibang interes pero nagsama-sama para matupad ang kanilang mga pangarap.
At nung isang araw ay dumating sila sa bansa at dumiretso sa isang media conference na pinatatawag ng Viva Artists Agency na mamahala ng kanilang career habang nasa Pilipinas.
Fresh from the airport ang lima na game na game na sumagot sa mga tanong kahit wala pa silang pahinga.
Inamin ng grupo na ilan sa kanila ay walang interes sa K-pop noong una, ngunit hindi ito ang pumigil para ipakita ang kanilang talento sa pagkanta.
Dumaan sila sa anim na buwang training at workouts dito sa Pilipinas at dalawang taon naman sa Gangnam District sa Korea. Simula sa lengguwahe, tono ng pananalita at pananamit ng isang K-pop ay talaga namang kanilang pinag-aralan. Madalas na nga raw silang mapagkamalang mga tunay na Koreans dahil sa mga mala-manika nilang ganda.
Pagkatapos ng ilang taong paghihirap, nagkaroon sila ng debut single noong 2016, ang Miracle. Tungkol ito sa pag-abot ng pangarap ng isa’t isa, na sa kabila ng pag-uumpisa nila sa wala, himala pa ring nakatuntong sila sa ganitong klase ng kasikatan. At ngayon nga ay may soon to be released album sila na ang isa sa mga kanta ay Move On.
Maraming fans ang sumasabay sa kanilang kanta at nagtitili habang sila ay aming kinakausap, dahil bukod sa sila ay very humble, hindi pa rin nila nakakalimutan ang pagiging Pinoy.
Kuwento pa ng grupo, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan. Bukod pa sa isinakripisyo nila ang pagkakataong makasama palagi ang pamilya.
Pero nasulit ang lahat nang sumikat sila sa Korea.
Madalas pa rin daw silang makatanggap ng negative comments, dahil sa sila raw ay hindi Koreans pero ginagawa raw nila ‘yung inspirasyon para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.
Bukod sa pamilya, namimiss din daw nila ang mga lutong Pinoy, tulad ng paborito nilang adobo.
Susulitin daw nila ang Pilipinas dahil hindi raw nila sigurado kung hanggang kailan sila mananatili rito.
Ngayong April ay nasa Manila ang grupo para i-promote ang kanilang albums, magkakaroon din sila ng guestings sa tulong ng Viva.
- Latest