Gani Oro nabahag ang buntot sa mga niloko ng asawang si Imee Oro!
Akala yata ni Gani Oro, maaapektuhan ako ng Facebook post niya na Scam Queen ako. Ako pa?
Hindi ko naman idine-deny na Scam Queen ako noong 1994 dahil sa kagagahan na ginawa ko sa Manila Film Festival.
Sa kagustuhan ko na manalo ng best actor award si Gabby Concepcion na talent ko pa noon, nagkaroon ng envelope switching at misreading pero walang datung na involved.
Kahit paulit-ulit na sabihin ni Gani Oro na Scam Queen ako, hindi ako maiimbyerna. Kung tutuusin, dapat nga mainis ako dahil parang inagaw nang sapilitan ni Imee Santiago Oro ang korona ko bilang Scam Queen.
Ang dami-daming tao ang niloko niya at milyun-milyong piso ang kanyang tinangay.
Si Imee Santiago Oro ang live in partner ni Gani na nakakapagpiyansa lang sa kanyang patung-patong na estafa cases kaya nakakalaya.
Ang pagkakamali ni Imee, ang talent ko na si Congressman Alfred Vargas ang niloko niya at bilang manager ni Alfred, karapatan ko na ipagtanggol ang alaga ko.
Hindi dapat ilihis ni Gani Oro ang isyu. Bago niya ako harapin, ang mga complainant na nagsampa ng mga estafa case laban kay Imee ang kausapin niya.
Umapir ang mga complainant sa programa ni Papa Raffy Tulfo sa TV5 pero nabahag ang buntot ni Gani Oro dahil hindi siya nakapagsalita.
Imposibleng sa dami ng mga kaso ni Imee, walang alam si Gani sa mga panloloko ng dyowa niya sa mga inosenteng biktima.
Wala nang kredibilidad, inilaglag ng sariling utol!
Tinakasan na si Gani Oro ng kredibilidad dahil wala nang naniniwala sa mga pralala niya. Kinokondena nga ng sariling kapatid niya na si David Oro ang mga ginagawa nila ni Imee ‘no!
Hindi ko na pahahabain pa ang isyu. Matibay at malakas na ebidensya ang mug shot ni Imee nang madakip siya noong nakaraang taon dahil pa rin sa patung-patong na estafa cases niya.
Enough na ‘yon para mag-dialogue ako ng I rest my case dahil hindi naman natutulog ang nasa Itaas.
Ipaubaya natin sa langit ang paghatol sa mga tao na kagaya ni Imee na nang-agrabyado na nga ng mga kapwa, sila pa ni Gani ang malakas ang loob na magpanggap na api at hindi binibigyan ng pagkakataon na marinig ang panig.
Yasmien mas gumanda at sumeksi nang magkapamilya
Kinakarir ni Yasmien Kurdi ang pagpapapayat at pansin na pansin ito sa mga eksena niya sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka, ang afternoon advocaserye ng GMA 7.
Kung kailan nag-asawa at nagkaroon ng anak, saka naging seksi si Yasmien at agree ako sa mga nagsasabi na mas maganda siya ngayon kesa noong dalaga pa siya.
Iba talaga kapag masaya ang isang tao dahil lumilitaw ang tunay na kagandahan niya. Maligayang-maligaya si Yasmien sa piling ng asawa at anak niya kaya very positive ang kanyang aura.
Anyway, wala nang makakapigil pa kay Yasmien sa kanyang palaban na role sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka.
Patindi nang patindi ang mga eksena dahil dumarami na ang umaapi kay Thea, ang pangalan ng name ng karakter ni Yasmien.
- Latest