Janine at Mikael bantay-sarado sa set!
Hindi naman sa walang tiwala si Megan Young sa boyfriend niyang si Mikael Daez na sa sobrang pagbibiro kay Janine Gutierrez ay baka magkadebelopan pa. Hindi naman siguro kaila sa lahat na very much single pa ang young actress after silang maghiwalay ni Elmo Magalona. Bagaman at naka-move on na ito sa kanyang romantic loss, wala pa itong balak makipagrelasyong muli. Happy na siya na tumanggap ng mga panibagong manliligaw.
Still kahit katiwa-tiwala naman si Mikael, hindi nito magagawang pormahan si Jannie habang nakabanatay sa kanila sa set ang kapatid ni Megan na si Lauren Young na kasama sa cast ng Legally Blind. Bantay sarado rin naman ang anak ni Lotlot de Leon ni direktor Ricky Davao. Bale pamangkin ni direk Ricky si Janine dahil ang ama nito (Ramon Christopher) ay kapatid ng asawa niyang si Jackielou Blanco.
Pero may bantay man o wala, walang romansa na maaasahan sa dalawa na mas naging close pa bilang magkaibigan. Masaya sila na walang romansa sila na kailangang pangatawanan para sa kanilang mga role. Tanggap ng manonood ang kanilang pagpapareha.
Mas titindi pa ang mga eksena nila sa Legally Blind dahil kailangang maproteksyunan na ni Edward (Mikael) ang GF niyang si Grace (Janine) sa obsession dito ng kapatid niyang si William (Marc Abaya) na lingid sa kaalaman nilang lahat ay siya palang rapist ni Grace.
Hindi malimut-limutan ni Janine ‘yung eksena nila kung saan ay dinidilaan siya sa pisngi ni Marc. Hindi ito pinayagang mapanood dahil nga naman sa hapon ipinalabas ang serye at maraming menor de edad ang nakakapanood.
Baka maagawan Janella at Elmo kailangang MAG-ingat kina Alexa at Nash
Mga kapareho nilang ibini-build up na loveteam ang susuporta sa loveteam nina Janella Salvador at Elmo Magalona sa ginagawa nilang serye na Kung Kailangan Mo Ako na sina Alexa Ilacad at Nash Aguad at Elisse Joson at McCoy de Leon.
Ngayon pa lamang ay tinatayang marami ang susubaybay sa palabas dahil pare-parehong may malalaking following ang tatlong pareha na nasubukan na rin naman sa larangan ng pag-arte. Elmo and Janella should better watch out sa mas nakakabatang sina Alexa at Nash dahil parehong magagaling nang umarte ang dalawa at may malaking promise namang maasahan kina Elisse at McCoy.
Diego at Sofia ayaw magpigil ng nararamdaman
Samantala, nakapokos ang pansin sa tambalan nina Diego Loyzaga at Sofia Andres sa ABS-CBN. Bida ang sinasabing magkarelasyon na, pero pilit pa ring tumatanggi, sa bagong serye na papalit sa The Greatest Love, ang Pusong Ligaw. Nauna nang magkasama ang dalawa, pero hindi sila ang magkapareha sa Forevermore na pinagbibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil. Mabuti sana kung aamin sina Diego at Sofia na sila na at least may magagamit na anggulo sa kanilang serye. Mas gusto nilang iba ang gamitin na promosyon pero hindi naman nila pipigilin kung sakali mang tuluyan na silang magkaibigan habang ginagawa ang serye.
Angel dapat magpursigi sa pagpapapayat
Nakakababa ng image ni Angel Locsin ‘yung patuloy na pakikipaggiyera kay Jessy Mendiola. Dapat ay naka-move on na siya kay Luis Manzano, pero ang patuloy na pagpatol sa ipinalit ng TV host sa kanya ay isang senyales na bitter pa rin siya. Hindi maganda at hindi nakakatulong sa kanya. Dapat ay mag-concentrate na lamang siya sa pagpapalago ng kanyang karera. Unahin na muna niya ang pagpapapayat na isa raw dahilan para hindi niya magawang muli ang Darna, bukod sa kanyang spinal injury. Obvious sa It’s Showtime ang kanyang katabaan na hindi maikubli ng kanyang mga isinusuot na damit at nakasisira sa kanyang imahe bilang isa sa pinakamagandang artista natin ngayon. Tsk. Tsk. Tsk.
Marya papalitan si Shawie sa pelikula?!
Sayang naman kung papayagang makakawala ni Sharon Cuneta ang movie niya para sa Cinemalaya. Magandang pamalit sana ito sa comeback movie nila ni Gabby Concepcion na gustung-gusto sana niya.
Dito sa Cinemalaya project na pinamagatang Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ay schedule naman niya ang hindi magampanan. Kaya nag-iisip na ang prodyuser na kunin si Maricel Soriano para ipalit sa kanya.
Sa ngayon, kailangang makuntento ng kanyang fans sa pagiging host lamang ng mga singing contest.
- Latest