Relasyon ng gay showbiz personality at male singer nawasak sa social media
Hindi lang nakikita ang isang gay showbiz personality habang naglalabas siya ng galit sa kanyang FB page, pero sa pagbabasa sa kanyang mga sama ng loob ay alam mong nagbubuga siya ng apoy, galit na galit siya sa isang male singer at sa manager nito.
Ilang ulit na naming nababasa ang kanyang mga litanya, sinusulat niya ‘yun sa pamamagitan ng blind item, pero nagbibigay siya ng mga clue para sa pagkakakilanlan kung sinong male singer ang pinatututsadahan niya.
Bigay na bigay rin kung sino ang manager na inaaway ng gay showbiz personality sa kanyang FB account, maraming kuwentong nakapaloob sa kanyang mga hinampo, kasama na du’n ang diumano’y panunulot ng manager sa mga proyektong inilalapit lang sa mga alaga nito.
Nakalulungkot lang isipin na dati’y close na close ang gay showbiz personality at ang male singer dahil sa isang common friend nila. Pero kung gaano sila ka-close nu’n ay sobrang galit na galit na sa male singer ngayon ang gay showbiz personality.
Sentro ng kanyang mga bira sa male singer ang tunay na kasarian nito na ayaw pa kasing aminin, kesyo may karelasyon daw na babae ang male singer, pero ang totoo ay pareho lang naman ang hanap nito at ng kanyang napapabalitang girlfriend—lalaki.
Nakarating na sa network na pinagseserbisyuhan ng gay showbiz personality ang senaryo, nagsumbong na ang manager at ang male singer, matindi ang sama ng loob ng gay personality dahil hindi man lang kinukuha ng istasyon ang kayang panig.
Pumapalag ang gay showbiz personality, handa raw siyang makipagtokhangan sa kanyang mga kalaban, ipaglalaban niya ang kanyang paninindigan dahil siya ang nasa tama.
Maraming nakakabasa sa mga bira ng gay showbiz personality sa male singer at sa manager nito. Pero pagkatapos nilang basahin ang mga hinampo ng gay showbiz personality ay dumadalaw agad ang lungkot.
Isang magandang samahan na naman ang nasira dahil sa social media. Sana’y nag-usap-usap na lang sila nang personal. Sana’y nagbalitaktakan na lang sila nang harap-harapan.
Ubos!
Buong Negros mainit ang sinalubong kay Noven
Nagpista ang mga taga-Victorias City, Negros Occidental, sa muling pagbabalik ng kanilang kababayang si Noven Belleza na tinanghal bilang unang kampeon ng Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime.
Parang piyesta sa Victorias City nang umuwi si Noven, nag-concert pa siya para sa kanyang mga mahal na kababayan, napakaligaya ng mga tagaroon para sa magaling na singer.
Mula sa napakapayak na pamumuhay ay matinding biyaya ang hatid sa kanyang pamilya ng mga papremyong natanggap niya bilang champion ng Tawag Ng Tanghalan. Dalawang milyong piso, house and lot, trip abroad at marami pang ibang prizes.
Natubos na ni Noven ang naisangla nilang lote dahil sa kakapusan, may puhunan na rin sila ngayon sa pagsasaka, makapagpapatuloy na rin siya sa pag-aaral at hindi na problema ngayon para sa kanyang pamilya ang mga pangunahin nilang pangangailangan sa araw-araw.
Talento ang naging puhunan ni Noven Belleza sa biglaang pagbabago ng sitwasyon ng kanilang pamilya. Nangarap siya, nagbaon ng lakas ng loob nang mag-audition siya sa talent search, nagkaroon ng magandang bunga ang kanyang mga sakripisyo.
Ibang-iba naman kasi talaga ang timbre at kinis ng boses ng Ilonggong ito. Kahit ang anak-anakan naming Vilmanian na si Obet Sapin ay sumasaludo sa kanyang talento, hindi pa rin nito nalilimutan ang pagbibigay ng standing ovation ng mga hurado at audience nang kantahin ni Noven Belleza ang Air Supply medley, nakakapangilabot nga naman ang nasabing senaryo.
Isang anak ng magsasaka, isang dating nagseserbisyo lang sa hacienda, pero ngayon ay kilalang-kilala na si Noven Belleza dito sa ating bayan at maging sa iba-ibang bansa man.
Libre ang pangangarap, walang matrikula, lalo na kung alam mong may baon kang talento sa papasukin mong larangan.
Tulad ni Noven Belleza.
- Latest