Interactive site para sa OTWOL ginawaran ng Gold Anvil
MANILA, Philippines - Tagumpay na naiuwi ng ABS-CBN ang anim na Anvil Awards sa ika-52 edisyon ng pinakaprestihiyosong awards sa industriya ng public relations, kasama ang pagkapanalo ng OTWOLISTA.COM ng Gold Anvil.
Ang nasabing website ay isang interactive site na gawa ng Digital Media Division ng ABS-CBN para sa fans ng sikat na 2015 series na On the Wings of Love na pinagbidahan nina James Reid at Nadine Lustre. Nakamit nito ang Gold Anvil sa pagbibigay ng dagdag at masayang experience sa fans ng naturang palabas na hindi lamang pantelebisyon.
Sa naturang website, ang OTWOLISTAs ay nagkaroon ng exclusive access sa mga fictional social media accounts ng mga bida, pati na rin sa behind the scenes photos at videos, at ang bihira ngunit masayang pagkakataong gawin ang OTWOLISTA challenges.
Nakasungkit naman ng ABS-CBN Global ang Gold Anvil para sa kanilang Vote4ASelfieWorthyPH campaign na hinikayat ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na bumoto sa 2016 Elections sa pamamagitan ng paggamit ng selfie para maunawaan ng OFWs na importante ang kanilang boto para maging “selfie-worthy” ang Pilipinas.
Pinarangalan naman ang ABS-CBN TVplus ng isang Gold Anvil dahil sa pagsisikap nitong magpakilala ng bagong innovation na handog ang quality content para sa mga Pilipino sa kanilang bahay.
Panalo rin ang ABS-CBN Digital Media Division ng Silver Anvil para sa kanilang Twitter promo na Turning Tweets into Cheers: ABS-CBN x MCDO BONFRIES na inilunsad noong UAAP Cheerdance Competition kung saan ang schools na pinakamaingay sa Twitter ay nanalo ng libreng fries. Mataas ang naging digital engagement ng campaign sa mga mag-aaral na hindi nakapanood ng kompetisyon nang live para ipakita ang kanilang suporta sa kanilang schools.
- Latest