Aktor gahaman sa pera, pati toll fee sinisingil sa producer
Pagdating sa usapin ng pananalapi ay walang kakabog sa isang kilalang male personality. Nang magsabog ng pagiging sigurista ang kapalaran ay hindi lang siya nagbaklas ng bubong ng kanilang bahay, nagtanggal din siya ng mga dingding, para walang makalampas sa kanya.
Walang masama sa pagiging maingat sa pampinansiyal na aspeto, pero kapag sumosobra na, ibang usapan na ‘yun. Sa paglalarawan ng marami, makita pa lang nila ang mukha ng kilalang male personality, pera na agad ang nakikita nila.
“Nu’ng minsang may kumuha sa kanya para kumanta sa fiesta, hindi na niya inalam kung saan ‘yun at kung gaano kalayo ang lugar. Isa lang ang tanong niya, ‘Magkano ang budget n’yo?’
“Inilatag ng mga kausap niya kung magkano ang nakahandang talent fee na ibibigay nila kay ____(pangalan ng lalaking personalidad). Pumalag siya. Malayo raw ang lugar, kinuwenta niya ang gasolina papunta at pauwi.
“Ayaw raw niyang mapagod, kaya kukuha siya ng driver. Imagine, nakakaloka siya, pati ang pambayad niya sa toll fee, kinuwenta rin niya sa harapan mismo ng mga kumukuha sa kanya.
“Nagpadagdag siya, pumayag naman ang show promoter, pero nu’ng maghiwalay na sila, e, maluka-luka ang mga kausap niya. Paano ba naman, pati pambayad sa toll fee, inilatag pa sa kanila?
“Saka kailangang kinabukasan daw, e, bayaran na ang down payment para sarado na ang usapan, iba-block na niya ang schedule niya. Sigurista talaga siya, super!” nalolokang kuwento ng aming source.
Kunsabagay ay hindi na bago sa pandinig ng mga taga-showbiz ang mga ganu’ng kuwento tungkol sa popular na aktor. Kilalang-kilala na siya sa ganu’ng ugali, bukod sa pagiging sigurista ay mapagsamantala rin siya sa kanyang karelasyon, kaya hindi sila nagtatagal.
“Kung gusto lang magkuwento ngayon ng isang girl na nakarelasyon niya na talagang pinadugo niya tungkol sa pera, e, baka mahulog kayo sa kinauupuan n’yo!
“Araw at gabi talaga, e, ganu’n na ang ikot ng buhay niya. Kanino kaya siya nagmana? Nakakaloka siya!” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Trip ni Kris pinagtatawanan ng netizens, mas bagay daw na ‘walang basagan ng trip’
Nakakaaliw dahil hindi pa man ay pinaglalaruan na ng mga netizens ang programang gagawin ni Kris Aquino. Bagay na bagay raw sa kanya ang titulo ng show, Trip Ni Kris, dahil kilala siya sa pagkahilig magbiyahe.
Palaging lumalabas ng bansa si Kris kasama ang kanyang mga anak, makati ang kanyang paa basta may nasilip siyang pagkakataon para makapag-bonding silang mag-iina, sakto nga naman para sa aktres-TV host ang titulo ng ginagawa niyang show.
Para sa iba naman ay iba ang interpretasyon ng titulo. Mapag-trip kasi si Kris, balitang-balita ang pagiging tantrumera niya sa linya ng trabaho, kapag ayaw niyang mag-taping ay basta na lang niya ‘yun pinapa-pack-up. (sundan sa pahina 10)
- Latest