Sam at carlmalone tuloy ang laban sa tawag ng tanghalan
Pasok na sa grand finals ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime ang YouTube sensation na si Sam Mangubat at ang estudyanteng si Carlmalone Montecido.
Ito ay matapos makuha ang pinakamataas na average scores mula sa pinaghalong hurado scores at madlang people votes – 95.35% para kay Sam at 78.85% naman para kay Carlmalone – laban sa mga katunggali nila sa isang linggong Quarter Four semi-finals na nagtapos noong Sabado (Feb. 25).
Makakatapat nila sa paligsahan ang kapwa grand finalists mula sa tatlong nakalipas na Quarters ng kumpetisyon na sina Maricel Callo, Mary Gidget Dela Llana, Marielle Montellano, Pauline Agupitan, Eumee Capile, at Noven Belleza.
Hindi naman nagtatapos ang Tawag ng Tanghalan journey ng Quarter Four semi-finalists na sina Hazelyn Cascano, Froilan Canlas, Julia Faith Joaquin, Joylaine Canonio, at Jex De Castro dahil lahat sila ay awtomatikong magbibigyan ng pagkakataong ipaglabang muli ang kanilang pangarap bilang ‘ultimate resbakers’ sa susunod na linggo simula ngayong Lunes (Feb. 27).
Sa ‘ultimate resbak’ kung saan kailangan nilang patunayang karapat-dapat silang makarating sa grand finals, makakatunggali nila ang semi-finalists ng pinakaprestihiyosong awitan sa bansa: sina Dominador Aviola Jr., Jaime Navarro, at Rachel Gabreza ng Quarter 1, Andrey Magada, Chris Mendrez, at Phoebe Salvatierra ng Quarter 2, at Antonio Sabalza, Jennie Gabriel, at Lucky Robles ng Quarter 3.
Sa isang linggong kantahan, dalawa sa ‘ultimate resbakers’ na ito ang makakasungkit ng huling mga puwesto sa inaabangang grand finals.
Kaninong pangarap ang mabibigyan ng second chance? Kaninong boses ang maririnig sa grand finals?
Kinapitan nga ng madlang people ang isang linggong pasiklaban ng Quarter 4 semi-finalists dahil araw-araw itong nagwagi sa ratings sa buong bansa, ayon sa datos ng Kantar Media. Sa katunayan, nakakuha ang It’s Showtime ng national TV rating na 18.7% noong Huwebes (Feb. 23).
Huwag palampasin ang It’s Showtime tuwing tanghali.
- Latest