^

PSN Showbiz

Donna Villa inilihim kahit sa mga kaibigan ang iniindang sakit!

HINTS AND TRACES - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sa pinakahuling pagkakataon ay nais naming ibigay ang buong espasyo ng aming kolum sa pamamaalam ng isang personalidad na nag-iwan sa amin ng magagandang alaala.

Isang katrabaho, isang kaibigan, isa sa iilang personalidad sa mundo ng lokal na aliwan na tunay na minahal ng buong industriya.

Walang makapaniwala na pumanaw na si Tita Donna Villa. Wala naman kasing nakakaalam na may dinaramdam pala siya. Inilihim niya ang kanyang kundisyon, ang nakakaalam lang ng kanyang pinagdadaanan ay ang kanyang kabiyak na si Direk Carlo J. Caparas, saka ang kanilang mga anak na sina CJ at Peach.

Nakikipagkuwentuhan siya sa telepono na parang wala siyang pinoproblema, masiglang-masigla siya, hindi maubos-ubos ang kanyang mga kuwento tungkol sa mga proyektong ginagawa ng kanilang produksiyon.

Unang linggo ng Disyembre nang dalhin si Tita Donna sa Asian Hospital, pagkatapos nang dalawang linggo ay inilipat siya sa UST Hospital, du’n na sila nagdiwang ng Pasko at Bagong Taon ng kanyang pamilya.

Walang nakakaalam kung nasaan siya, basta ang bilin niya sa kanyang mga empleyado sa Golden Lions Films ay nasa malayong lugar sila nina Direk Carlo, CJ at Peach, nagbabakasyon.

Napakasakit ng loob ng kanyang pinagkakatiwalaang kanang kamay na si Tita Nene Mercado na sa amin pa nalaman ang balita ng pagpanaw ni Tita Donna. Si Colonel Jude Estrada ang tumawag-nag-text sa amin, nalaman nito ang balita mula sa kanyang kaibigang miyembro ng El Shaddai, bakit daw biglang-bigla ang pagkamatay ni Tita Donna?

“Walang araw na hindi kami magkausap ni Donna. Wala siyang sinasabing kahit ano sa akin. Ubo at sipon lang daw ang sakit niya, wala nang iba. Hindi ko alam na nasa ospital pala siya.

“Pinaglihiman ako ni Donna. Magkausap pa kami bago mag-Christmas, maayos naman siya, ipinagbilin pa niya sa akin ang lahat ng mga nireregaluhan nilang mag-asawa tuwing Pasko.

“Napakasakit. Hindi ko man lang siya naalagaan, hindi ko man lang siya nadalaw,” humahagulgol na sabi ni Tita Nene Mercado.

Hinding-hindi malilimutan ng buong industriya si Tita Donna Villa. Ang magiliw niyang pakikipagkuwentuhan sa mga reporters, ang hindi niya pamimili ng kanyang mga kakausapin, ang napakaparehas niyang pagtrato sa malalaki at hindi pa sikat na mga personalidad.

Sabi nila, kapag namatay na lang daw ang isang tao, ay du’n lang lumalabas ang mga papuri tungkol sa kanya. Hindi totoo ‘yun para kay Tita Donna. Buhay na buhay pa siya ay puro magaganda na ang nasusulat at naririnig tungkol sa kanyang pagkatao.

Karugtong kasi ng kanyang hininga ang showbiz, dati siyang artista, naging masuwerte lang ang kumbinasyon nila ng nobelista-direktor kaya ipinanganak ang Golden Lions Films.

Gintong panahon ng kanilang produksiyon ang mga huling taon ng dekada otsenta at dekada nobenta, sila ang namiruya ng salapi sa boxoffice sa pamamagitan ng kanilang mga pelikulang true-to-life, buhay na buhay ang industriya ng pelikula dahil sa kanila ni Direk Carlo J. Caparas.

Sa set na ng kanilang mga pelikula lumaki sina CJ at Pitpit, camper ang kanilang sasakyan, hindi na halos sila umuuwi sa kanilang bahay sa Alabang dahil gusto nilang tuluy-tuloy ang daloy ng kanilang trabaho.

Biglaan ang lahat. Napakahirap tanggapin ang katotohanan na wala na si Tita Donna Villa. Nagluluksa ngayon ang buong industriya sa kanyang pamamaalam.

Minsan ay sinabi sa amin ni Direk Carlo, “Hindi ko kayang gampanan ang lahat nang wala si Donna. Kaya niyang mabuhay nang wala ako, matapang siya, dedicated sa kanyang trabaho, du’n niya ako talo.”

Mahirap bitiwan ang pamamaalam lalo na sa pagkawala ng taong nag-iwan ng marka sa ating buhay. Ng magagandang alaala. Ng kabutihan.

Isang payapang pagbiyahe sa kabilang buhay, Tita Donna Villa, pakibitbit sa dako pa roon ang matindi naming respeto at pagmamahal.

DONNA VILLA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with