Herbert ayaw na uling kumandidato?
Mag-iisip pa ba tayo ng dahilan para pagdidirek ng pelikula ang gustuhing pasukin ng magkapatid na Race at Harvey Bautista, eh mismong ang ama nila na si QC Mayor Herbert Bautista ay nagbigay na ng pahayag na pagkatapos ng kanyang panunungkulan bilang mayor ay babalikan niya ang showbiz hindi para mag-artista uli kundi para magdirek ng pelikula? Tipo niyang gawin ‘yung mga pelikulang galit sa mundo tulad ng ginagawa ni Lino Brocka nu’ng nabubuhay pa ito.
Ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno na kahit balak pa lamang ngayon ang nagtutulak sa kanya para huwag nang maghangad ng mas mataas na posisyon sa gobyerno.
Ang panganay naman niyang si Race Bautista ay kasalukuyan pang nag-aaral sa ibang bansa at pagkatapos nito ay babalik na ng Pilipinas para dito mag-practice ng kanyang pinag-aralan. Nasa grade 8 pa lamang ang nakababatang si Harvey na mas naunang nakikilala bilang isang artista, pero nagbigay na rin ng pahayag sa kagustuhan niyang maging direktor din.
Sa kanyang pag-aartista, mas malaki ang karanasan na magagamit niya sa pagtatrabaho sa likod ng kamera. Sa ngayon, magpapakitang-gilas na naman siya sa horror movie na Ilawod na ang title role ay ginagampanan ni Therese Malvar.
Pinupuri ng mga kasamahan niyang artista sa movie at maging ng direktor na si Dan Villegas ang kahusayan ni Therese.
Nakatanggap naman ng pagkilala si Harvey, pero sinasabing ang Ilawod ay isa na namang magandang hamon para masundan ang pagtanggap muli niya ng acting award.
Kristoffer at Joyce hitsurang nagkabalikan na
Mahirap paniwalaan na nagwakas na ang relasyon nina Kristoffer Martin at Joyce Ching. Masyado silang kumportable sa kanilang roles bilang mag-asawa sa Hahamakin Ang Lahat ng GMA kaya hindi mo masisisi ang manonood na paniwalaang may balikang naganap sa dalawa. Walang magkaibigan ang makakaarte ng gaya nang ipinamamalas nila sa serye at maging sa likod ng kamera na namamalas lamang sa magkarelasyon.
Excited ang fans sa ibinabadya ng kanilang mga kilos na hindi natural na nakikita sa magkakaibigan lamang. Maski itanong n’yo pa sa mga kasamahan nila sa serye na sina Eula Valdez, Snooky Serna, Ariel Rivera, Thea Tolentino at maging sa mga mas nakababatang sina Mona Louise Rey at Renz Valerio.
Maxine may kailangan pang pag-aralan
Dapat lang na walang Pinoy na magsilbing judge sa gaganaping Miss Universe 2016 sa bansa sa Jan. 30. Tama lang ‘yun para walang masabing hindi maganda kapag Pinay muli ang kumuha ng korona. Sa pagandahan ay hindi na nahuhuli si Maxine Medina, kailangan na lamang niyang maging natural sa pagsabak sa Q&A at sa pagrampa ng naka-swimsuit at naka-long gown. Intindihin na lamang natin na nakaka-rattle ‘yung maging contestant matapos manalo ni Pia Wurtzbach.
Laging kasama ni Andrea nakikilala na
Maganda ang naidulot ng kanyang karakter bilang si Frida kay Antonette Garcia, ang babaeng laging kasama ni Venus (Andrea Torres) sa hit primetime series ng GMA na Alyas Robin Hood. Mas nakilala at kinagiliwan kasi siya ng fans ng top-rating series ng Kapuso Network. Bilang patunay, isang fan pa nga raw ang nagbigay sa kanya ng sulat habang nakasakay siya sa public transport na MRT. Sa kanyang Instagram account, ikinuwento ito ng aktres, “Habang nakapikit ako na bumabiyahe sa MRT, biglang may nag-abot sa akin ng sulat. Noong una akala ko nagbebenta o humihingi ng donation. Pero nun binuksan ko yun papel nagulat ako at napangiti. Hinanap ko yun nag-abot dahil kamay lang nya ang nakita ko. Bukod sa nakapikit ako ay medyo maraming pasahero. Pagkalipas ng ilang minuto nabawasan na ng pasahero at nakita ko siya na halos katapat ko. Nakatingin at nakangiti sa akin. Nagpasalamat ako kay Ate. Nakakatuwa dahil nagtiyaga si Ate na magsulat at makipagsiksikan para lang maibigay sa akin ang sulat nya.”
- Latest