Dream Team ni Kuya nabuo na
MANILA, Philippines – Napili na ang best of the best housemates ni Kuya mula sa tatlong magkakaibang edisyon para buuin ang kauna-unahang Dream Team ng hit reality show na Pinoy Big Brother Lucky Season 7.
Noong Biyernes (Jan 6.), napasahan ng swerte ng Lucky 7 teen housemates ang regular housemate na si Jerome Alacre para maging ikatlong Lucky House ni Kuya at sasama sa nauna nang napili na Lucky Houses na sina Tanner Mata at Aura Azarcon.
Nakakuha si Jerome ng tatlo mula sa pitong boto ng teens na binase nila sa kung paano hinarap nina Jerome at natitira pang kasamang sina Cora Waddell, Baninay Bautista, at Wil Dasovich ang matinding White Room task at kung paano nila sinagot ang matetensyong mga tanong sa harapang Q and A.
Ngayong kumpleto na ang Dream Team, isa na namang exciting na kwento sa loob ng Bahay ni Kuya ang dapat na namang pakaabangan sa pagsasama-sama ng tatlong Lucky Houses mula sa regular edition na sina Tanner, Aura, at Jerome; Lucky Suns mula sa teen edition na sina Edward Barber, Kisses Delavin at Maymay Entrata; at Lucky Stars mula sa celebrity edition na sina Jinri Park, two-in-one housemates na sina McCoy De Leon at Nikko Natividad ng Hashtags, at si Nonong Ballinan sa susunod na mga linggo.
Anong mga hamon kaya ang haharapin ng Dream Team? Anong mga pasabog na twist ang hinanda ni Kuya na lalong magpapatindi sa kumpetisyon?
Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak magpapatatag at magpapabuti sa kanila bilang indibidwal sa bandang huli at kapupulutan naman ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Patuloy na manood ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Till I Met You sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
- Latest