Female personality hindi kayang patawarin ang mga kasalanan ng ina!
Kasinglalim pala ng dagat ang itinatagong emosyon ng isang female personality kaya ganu’n na lang katigas ang kanyang kalooban. Walang makapagpalambot sa puso ng babaeng personalidad.
Marami nang nagtangkang paliwanagan ang female personality pero nabigo ang lahat. Nakikinig lang siya, hindi niya kinokontra ang mga kumakausap sa kanya, pero ang ending ay ganu’n pa rin.
Isang pinakamalapit na kaibigan niya ang minsang sumubok na palambutin ang kanyang kalooban, pero tulad nang dati, dumating at umalis ang kanyang bestfriend na walang nagbago sa paninindigan ng female personality.
Maraming nakakaalam kung bakit pinatapang na ng panahon ang female personality. Mismong mga kaibigan niya ang nakakaalam kung bakit kahit ipagtulakan nila ang kanilang kaibigan ay hinding-hindi pa niya matatanggap sa ngayon ang taong pinagkikimkiman niya nang matinding sama ng loob.
Kapag binalikan kasi ng babaeng personalidad ang mga naganap ay para siyang nasusuka, iyak siya nang iyak, hindi niya akalain na mangyayari sa kanya ang ganu’n sa napakabata pa niyang edad.
Kuwento ng isang source, “Para siyang maliit na bata na iniwan sa gitna ng bukid na nag-iisa. Hindi niya alam ang gagawin, iniwanan sa kanya ng taong ‘yun ang responsibilidad sa mga kapatid niya na kung tutuusin, e, hindi siya dapat ang gumagawa.
“At minsan siyang kinulang, e, pinagsalitaan pa siya nang masasakit na parang wala nang bukas na susunod. Kinunsensiya siya, inungkat ang kanyang pinagmulan, parang gumuho ang mundo niya nu’n.
“Hindi siya humihingi nang sobra, ang makita lang sana ng taong ‘yun ang sakripisyong ginagawa niya para sa isang obligasyon na dapat, e, hindi siya ang gumagawa, e, sobra pa sa sapat.
“Pero hindi ‘yun nakikita ng taong ‘yun. Nakasentro ang atensiyon at pagmamahal niya sa isang taong ewan kung ano ang ipinakain sa kanya.
“Ngayon, masisisi ba natin ang female personality kung bakit lumayo na nang lumayo ang loob niya sa mommy niya?” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Master Hanz kayang magbasa ng kapalaran kahit nakapikit!
Unang pag-ere namin sa radyo para sa taong 2017 nu’ng Lunes. Bisita namin ang batambata pa pero pinakamatunog ang pangalan ngayon sa kahit anong linya ng feng shui—si Master Hanz Cua.
Purong Tsino si Master Hanz pero dito na siya ipinanganak. Nagpakadalubhasa siya sa feng shui, sa face reading, mole at palm reading, lalo na sa astrology, tarot reading at ang kanyang pinakasentrong linyang feng shui.
Mabilis siyang magsalita pero maiintindihan mo ang kanyang mga sinasabi. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang tamang posisyon mo sa pagtulog ngayong 2017, kung saan ka dapat maupo kapag meron kang kamiting para sa isang mahalagang transaksiyon, dahil taun-taon ay nagbabago ang linya ng mga bituin.
Basta alam niya ang pangalan, petsa at taon ng kapanganakan ng isang tao ay babasahin niya na agad kung ano ang magiging kapalaran nito sa buong taon sa pamamagitan ng kanyang tarot card.
Kumpleto siya sa “armas” bilang feng shui expert. Meron siyang librong kumpleto sa zodiac sign mula Enero hanggang Disyembre ng 2017, nandu’n ang mga payo ni Master Hanz Cua kung anu-ano ang ating iiwasan at idadagdag para maging produktibo ang ating buong taon, nagkakaubusan na ang kanyang libro sa mga bookstrores.
Palaging punumpuno ang kanyang shop na nasa Unit LG 3, CityLand Shaw Tower sa Mandaluyong, puwede rin siyang imbitahan sa ating mga bahay para ma-feng shui niya ang lugar, bukambibig talaga si Master Hanz Cua ngayon ng mga banyaga at kababayan nating malaking-malaki ang paniniwala sa feng shui.
Pinag-aralan niya nang maraming taon ang pagiging feng shui expert, may diploma siya sa lahat ng linyang ginagawa niya ngayon, kaya kahit papikit ay kayang-kaya niyang basahin ang ating mga bituin.
Year Of The Fire Rooster ang 2017 na magsisimula na sa January 28, kaliwa’t kanan ang trabaho ngayon ni Master Hanz Cua, marami siyang kliyenteng milyonaryo pero abot na abot din ng masa ang kanyang serbisyo.
- Latest