Alonzo nalungkot, hindi na makakasakay ng float sa Pasko
Anim na taong gulang pa lamang si Alonzo Muhlach pero hindi nito naitago ang kanyang disappointment nang malamang hindi siya sasakay ng float sa December 23 para sa taunang Parada ng mga Artista bilang senyales ng pagsisimula ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Si Alonzo ay kasama sa movie na pinagbibidahan ng tinaguriang MMFF box office king na si Vic Sotto, ang Enteng Kabisote 10 & the Abangers na magkatulong na pinamahalaan nina Marlon Rivera at Tony Reyes.
Kung nakalusot ang Enteng Kabisote 10 sa MMFF, pangatlong movie na sana ito ni Alonzo na kalahok sa December filmfest.
In 2014 at 2015 ay nasubukan ni Alonzo na sumakay sa float dahil kasama siya sa My Big Bossing ni Vic Sotto noong 2014 at ang The Beauty and the Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin noong isang taon.
Onyok at Awra nganga sa Parade of Stars
Ang dalawa pang bagets na na-disappoint dahil hindi rin sila makakasakay sa float ay sina Xymon Ezekiel “Onyok” Pineda at McNeal “Awra” Briguela.
Sina Onyok at Awra na parehong kasama sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin ay kasama rin dapat sa MMFF movie nina Vice Ganda at Coco Martin na idinirek ni Joyce Bernal pero hindi pinalad na makalusot sa MMFF.
Mga bata malungkot ang Pasko
Nalungkot ang aking mga apo sa pamangkin nang malaman nila na walang movie sina Vic Sotto, Vice Ganda, at Vhong Navarro na kanilang mapapanood sa darating na Metro Manila Film Festival.
Naging tradisyon na kasi ng mga bata na dumayo ng mga sinehan sa araw ng Pasko kasama ang kanilang mga pamilya para panoorin ang kanilang mga paborito at hinahangaang artista.
Dahil dito, ang iba sa kanila ay magda-divert na lamang sa ibang mapupuntahan tulad ng theme parks. Naka-line-up na sa kanila ang Ocean Park, Enchanted Kingdom, at Star City.
Julia may chance nang magpasikat
Ang pagkakapasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival ng pelikulang Vince and Kath and James ng Star Cinema na idinirek ni Ted Boborol ay baka magmilagro sa box office dahil walang gaanong choices ang mga manonood.
Ang pelikula ay tinatampukan nina Julia Barretto, Joshua Garcia, Ronnie Alonte, at Maris Rascal.
Ito na rin marahil ang chance ni Julia Barretto na ipakita sa lahat na meron siyang box office appeal.
Samantala, marami ang nagsasabi na sa walong pelikulang kalahok, malamang na tangkilikin ang Die Beautiful ni Paolo Ballesteros at Ang Babae sa Septic Tank 2 ni Eugene Domingo at maging surprise hit ang Vince and Katch and James although malabong mapantayan ang drawing power sa takilya nina Vic Sotto at Vice Ganda.
Sa totoo lang, Salve A., napakalaking risk ang ginawa ng MMFF para sumugal sa mga indie movies.
Ano kaya ang pakiramdam ngayon ng mga theater owners na tiyak na apektado sa magiging revenue ng MMFF na magsisimula ng December 25 at magtatapos on January 7, 2017?
- Latest