Young actress na sakit ng ulo ng ina, bata pa lang nambu-bully na!
Siguro naman ay nararamdaman na ngayon ng isang young female personality ang malasakit at pagmamahal ng mga taong malapit sa kanyang puso. Pahahalagahan na siguro niya ngayon ang pagsalo ng kanyang ina sa mga problemang personal na pinagdadaanan niya ngayon.
Lumaking bratty ang young actress, maldita na siya kahit nu’ng halos paangat pa lang siya sa lupa, batambata pa lang siya ay alam na ng mga nakapaligid sa kanya na magiging sakit siya ng ulo ng kanyang mommy.
Tandang-tanda pa ng aming source, “Alam n’yo ba na kapag uma-attend nu’n sa mga birthday party ng mga anak ng artista ang babaeng ‘yun, e, palagi siyang nang-aaway ng mga kapwa bata niya?
“Maliit pa siya, e, sobrang sutil at maldita na niya! May sombrero ang lahat ng mga bata kapag ganu’n, di ba? Naku, isa-isa niyang kukunin ‘yun sa ulo ng mga bata, mapang-bully na siya kahit nu’n pa, grabe ang babaeng ‘yun!
“Pinagtatawanan lang kasi ng family niya ang mga kasutilan niya, parang naaaliw pa sila, kasi nga, bibung-bibo raw siya! Ano ngayon ang nangyayari sa kanya? Sakit siya ng ulo ng mommy niya!” pagkukuwento ng aming impormante.
Puro pamba-bash ang inaabot ngayon ng batambatang nanay, mula umaga hanggang gabi siyang pinakakain nang napakapaklang ampalaya at apdo, ayaw siyang bigyan ng katahimikan ng kalooban ng mga netizens.
Patuloy ng aming source, “Palasagot din sa mommy niya si ____(pangalan ng malditang young personality), nakakaisa pa lang ang mommy niya, e, nakakasampu na siya, ganu’n siya kamaldita!
“Bibo, pala, ha? Cute pala, ha? Nakakaaliw pala kasi siya, ha? Ano ngayon ang nangyari? Cute pa rin ba at nakakaaliw ang mga pinaggagagawa niya?
“Anyare? May maganda bang ibinunga ang kamalditahan niya? Kung gaano siya kabilis magsalita, e, ganu’n din kabilis siyang inuupak-upakan ngayon sa social media!” pagtatapos ng aming source na nasa tenth floor ang kilay.
Mark hindi naging balanse ang paglaki
Hinayang na hinayang kay Mark Anthony Fernandez ang mga direktor na magkakaumpukan isang gabi. Halos lahat sila’y nakatrabaho na ng guwapong aktor, puro papuri ang laman ng mga komento nila, bukod sa pagiging magaling na aktor ay marunong pa siyang makisama at makibagay sa kanyang mga kapwa artista at katrabaho.
Isang kilalang direktor ang nagsabi, “Alam ko na nu’n pa na mababa talaga ang emotional quotient niya. Tuwing matatapos kasi ang take niya, e, ire-request niya agad na i-playback ‘yun.
“Hindi lang ako ang tinatanong niya kung okey ba ang acting niya, lahat ng nakapaligid sa kanya, hinihingan niya ng comment. Wala siyang tiwala sa capacity niya,” sabi ni direk.
Pagdating sa ugali ay wala silang masasabing hindi maganda tungkol kay Mark Anthony. Wala raw sa b okabularyo ng aktor ang salitang kayabangan at pagmamaangas, hindi rin niya itinuturing na malaki na siyang artista kumpara sa iba, pantay-pantay niyang tinatrato maging ang mga extra.
Tanong ng isang direktor sa nasabing umpukan, “There’s something lacking sa growing up years ni Mark. May kulang. O baka naman may sumobra rin. Basta, hindi balanse ang paglaki niya.
“Hindi naman kasi ‘yun agad-agad nakikita, it will take years bago makita ang manifestation ng kung anumang kulang o sobra. Pero kung ako ang tatanungin, maraming kulang sa kanya habang lumalaki siya,” madiing opinyon ng pamosong direktor.
Makabuluhan ang kanilang pagbibigayan ng opinyon sa kasalukuyang sitwasyon ni Mark Anthony, pero sa dulo ay isa lang ang kanilang hiling, sana’y matuto na mula sa pinagdadaanan niya ngayon si Mark Anthony Fernandez.
Hawakan na sana niya ang kung anumang oportunidad at pagkakataong ibibigay pa sa kanya ng kapalaran sa susunod. Hindi nagsisimula at nagtatapos sa pagkakulong niya ngayon ang isang magandang bukas na naghihintay lang sa kanyang pagbabago.
- Latest