Bahay Trese bubuksan uli, mas nakakatakot na!
MANILA, Philippines – Ibabalik ng World of Fun, ang pioneer ng libangang pampamilya ang Bahay Trese, isang nakaka-engganyo at nakakatakot na karanasang teatro sa loob ng World of Fun sa Building 3 ng Sta. Lucia Mall simula Biyernes, October 14.
Ang Bahay Trese ay tahanan ng mga hindi matahimik na mga kaluluwa mula pa ng panahon ng Hapon, kung kailan nangyari ang Massacre ng Manila noong Pebrero 1945.
Sinunog ang mga bahay, ginahasa ang mga babae bago patayin, at binayoneta ang mga lalaki. Dumanak ang dugo sa paligid. Walang maaaksayang panahon sa pagbisita sa Bahay Trese. Makikihalubilo ang mga bisita sa mga iba’t ibang karakter gaya ng batang babae, ang galit na galit niyang ama at ang misteryosong katiwala.
Papasok ang mga bisita sa mga madilim na mga silid gaya ng altar room, silid tulugan at laboratoryo ng baliw kung saan nila makikita ang iba’t ibang nakakatakot na mga simbolo.
Hindi nila malalaman kung ano ang totoo at ano ang kababalaghan dahil karamihan ng mga karakter ay ginagampanan ng mga magagaling na aktor na nagsanay sa mga workshop ng isang nangunguna at kilalang organisasyon ng teatro. Ang iba sa kanila ay kasapi sa mga samahang teatro ng iba’t ibang sikat na mga paaralan.
Sanay silang tumugon agad sa reaksyon ng mga manonood. Binabago nila ang kanilang mga galaw ayon sa reaksyon ng mga manonood. Ang Bahay Trese ay bukas Huwebes hanggang Linggo, mula 3 ng hapon hanggang 9 ng gabi.
Ang Sta. Lucia Mall ay matatagpuan sa Marcos Highway, Cainta, Rizal.
Mayroon din mga espesyal na events tuwing Sabado, Oct. 8 hanggang Nov. 5 sa Sta. Lucia Mall upang ilunsad ang pagbubukas ng Bahay Trese.
Ang lahat ay inaanyayahan na pumunta at lumahok sa mga special events na ito.
- Latest