Singaporean director namangha Epy Quizon nagpakita ng kakaibang galing sa pagiging OFW sa Unlucky Plaza!
MANILA, Philippines – Kamukhang-kamukha ni Epy Quizon ang amang si Dolphy nu’ng kabataan niya sa movie poster ng pelikula ng una Unlucky Plaza na iri-release ng Viva Films sa bansa. Lingid sa kaalaman ng marami bukod sa napapanood siya sa TV series na Ang Panday sa TV5, si Epy ay gumawa ng ingay sa international movie scene sa pamamagitan ng horror film na Unlucky Plaza.
Sabi ni Epy, ang role niya sa pelikulang idinirek ng controversial at award-winning Singaporean director na si Ken Kwek ang siyang pinakapaborito at pinakamagandang role na kanyang nagampanan. Unang basa pa lang daw niya ng script ay tinanggap na niya ang proyekto dahil kakaiba ito sa mga nagawa na niya. Ayon pa sa aktor, halos lahat ng role ay nagampanan na niya mula sa iba’t ibang klase ng bakla, kontrabida, at maging ang role ng isang pari.
Personal choice naman si Epy ng direktor dahil naging mabuti niya itong kaibigan at nakilala nang husto bilang versatile actor. Namangha ang direktor sa range ng characters na kayang gampanan ni Epy at maging ang smooth transition nito mula sa pagiging nakakatawa sa seryoso at iba pang emosyon base sa mga dating pelikula ni Epy na napanood ng Singaporean director.
Nag-take rin umano sila ng risk sa paggawa ng pelikula dahil sa cultural differences. Bukod sa Pinoy nga ang bida at Singaporean ang direktor at ibang mga artista, tinalakay sa pelikula kung gaano kahirap ang maging isang OFW.
Ipinakita rito ang buhay ng isang OFW sa Singapore na na-push sa kanyang limitations matapos malugi ang kanyang business na matatagpuan sa Lucky Plaza (kilala ring paboritong pasyalan ng mga nagtitipid na shoppers). Nagpatung-patong ang kanyang problema sa pera dahil sa pagsasara ng kanyang kainan matapos kumalat ang “food scandal” sa nasabing lugar. Halos mabaliw din si Onassis Hernandez (Epy Quizon) matapos mabiktima ng financial scam na laganap umano sa bansang ito. Umabot sa puntong hindi na mabayaran ni Onassis ang kanyang renta at ‘di na rin mapagbigyan ang mga simpleng hiling ng anak na mag-isa niyang binubuhay.
Naging inspirasyon daw ni direk Ken Kwek ang mga kidnappings na nababalitaan niya sa Pilipinas kaya ang nangyari sa istorya ay nang-hostage ang kawawang OFW na iniwan ng Singaporean na misis. In-upload nito ang video ng kanyang mga hostage sa YouTube na mabilis nakakuha ng atensyon sa buong mundo.
Nagwaging Best Actor si Epy sa Internatinal Film Festival Manhattan at Best Director si Ken Kwek sa Tehran Jasmine Film Festival. Naging Official Selection din sa Toronto International Film Fest (TIFF) 2014 at opening film ng 2014 Singaporean International Film Festival, ang Unlucky Plaza ay mapapanood na sa mga sinehan sa Pilipinas simula April 20.
- Latest