Pride & Prejudice & Zombies astig na astig
MANILA, Philippines – Maraming beses nang ginawan ng pelikula at TV series ang 1813 classic novel na Pride and Prejudice na sinulat ni Jane Austen. Ang pinaka-unang pelikula ay lumabas noong 1940 at pinagbidahan nina Laurence Olivier at Greer Garson. Ang 1995 miniseries ng BBC kung saan tampok sina Colin Firth at Jennifer Ehle ang tinuturing naman na pinakasikat na seryeng hango sa nabanggit na nobela. At ngayong panahon ng social media, pumatok na rin sa YouTube ang The Lizzie Bennet Diaries. Sa mundo ng literatura, iba’t ibang interpretasyon rin ang umusbong, tulad ng Pride and Prejudice and Zombies ni Seth Grahame-Smith. Ilang araw pa lamang nang ilabas ito sa publiko noong Abril 2009 ay naging top 3 na ito sa New York Times bestseller list.
Sinabi ni Grahame-Smith na ayaw niyang guluhin ang overall structure ng nobela ni Jane Austen dahil ito ay isang “masterpiece”. Nilagay niya ang pangalan ni Austen bilang co-author ng kanyang zombie novel, at inayon niya ang pagsalarawan sa mga karakter sa orihinal na istorya. Nilabas ni Grahame-Smith ang pagiging makatwiran at prangka ni Elizabeth Bennet, ang pangalawa sa panganay ng kapatid nina Jane, Mary, Kitty, at Lydia. Hindi rin binago ang pagka-arogante ng mayaman at matipunong si Mr. Darcy, at kung paano nila naapektuhan ang isa’t isa sa lakas ng kanilang dating.
Ngunit higit sa aso’t pusang relasyon ng dalawang bida, nakakabahala ang epidemya na kumakalat sa bayan ng Meryton, kung saan ang mga patay ay muling nabubuhay. Ngayon, kailangan magtulungan nina Elizabeth at Mr. Darcy para matigil ang paglaganap ng mga zombie. Magiging daan kaya ito para aminin nila ang tunay na nararamdaman para sa isa’t isa?
Pebrero 2009 pa lang ay usap-usapan na ang pag-gawa ng pelikulang Pride and Prejudice and Zombies. Si Natalie Portman ang unang naisip para gumanap bilang Elizabeth, ngunit nagdesisyon siyang maging co-producer na lang. Noong 2013, napunta kay Lily James ang papel. Ayon sa aktres, agad-agad niyang nagustuhan ang script dahil ito ay “brilliant and funny” simula pa lang sa “first opening sequence where Darcy sort of gallops up on the horse and gets stripped down and all that stuff”.
Inamin ni Sam Riley, na gumaganap bilang Mr. Darcy, na walang tatlong buwan sila nakapag-training para sa mga action scenes. Ang tatlong buwan na training ay kadalasan nangyayari kung malaki ang budget ng pelikula, ngunit ang Pride and Prejudice and Zombies ay meron lamang hanggang $20 million ayon sa producer na si Allison Shearmur. Ganon pa man, mahusay pa ring nagampanan ng lahat ang mga eksena.
Sa direksyon ni Burr Steers (17 Again, Charlie St. Cloud), ang Pride and Prejudice and Zombies ay inaabangan na sa US and UK. Handog ng Viva International Pictures at MVP Entertainment, ipalalabas ito sa mga sinehan sa Pilipinas simula Pebrero 5, 2016.
- Latest