Pelikula nina Vice Ganda at Coco, gagawan ng sequel
Maganda ang naging resulta sa takilya ng pelikulang Beauty and the Bestie na pinagbidahan nina Vice Ganda at Coco Martin para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015. Isang magandang regalo raw para kay Vice na pumatok sa mga manonood ang kanilang pelikula. “Good news talaga ‘yan ang sarap ng pakiramdam na maraming mga tao ang napapasaya ng pelikula na pinaghirapan namin ni Coco, ng lahat ng cast at staff ng movie,” nakangiting pahayag ni Vice.
Ayon pa sa komedyante ay hindi raw naging madali para sa kanila na natapos ang pelikula dahil na rin sa rami ng mga ginagawa nina Vice at Coco para sa telebisyon.
Maging ang mga kasamahang sina James Reid at Nadine Lustre ay nahirapan din dahil sa pagiging abala sa teleseryeng On the Wings of Love. “Sobra ang hirap magtagpo ng mga schedule namin, ang JaDine nakakaloka ang schedule. Si Coco ang hectic ng schedule pero lahat ‘yan nagawan natin ng paraan at nakabuo ng magandang project,” dagdag ni Vice.
Ngayon ay napapabalitang posibleng magkaroon ng sequel o part 2 ang nasabing pelikula. “Okay ako diyan, why not? Si Coco ang tanungin natin dahil sobrang busy ng taong ‘yan pero papayag din ‘yun at nag-enjoy din siya sa movie namin,” giit ni Vice.
Aiza at Liza sa Amerika maghahanap ng magiging tatay ng kanilang anak
Nakaplano raw pumunta sa Amerika ang mag-asawang sina Aiza Seguerra at Liza Diño ngayong taon para magawa ang isang proseso para magkaroon sila ng anak. IVF o In Vitro Fertilization ang gustong ipagawa ng dalawa upang makabuo sila ng pamilya. “Yes, towards the end of the year siguro. Siyempre kailangan ding pag-ipunan. We have to be there in the States for two months dahil ang mangyayari is, sa akin manggagaling ‘yung eggs. So ‘yung eggs ko, kailangang pare-pareho sila ng laki para pag-gather nila ng eggs, pantay-pantay,” pagbabahagi ni Aiza.
Sa Amerika na raw hahanap ng lalaki na magiging sperm donor sina Aiza at Liza. Kikilalalin munang mabuti ng mag-asawa ang Amerikanong magiging donor bago gawin ang nasabing proseso. “Kapag meron na kaming nakita, pagsasamahin ang eggs ko at sperm ng guy tapos magpu-form na ‘yon ng embryo. Ang next step is ipapasok na sa ovary ni Liza,” paglalarawan ni Aiza.
Noong isang taon ay nagpakonsulta na si Aiza sa doktor bilang paghahanda sa kanilang planong gawin. “Okay naman, my eggs are fine, unused but fine and Liza’s okay also. So ‘yung na lang ang hinihintay namin, matagal kaming mawawala at kailangan din ng time kahit paano at makapagdiskarte rin kami ng work. At least meron kami dapat 1.5 million,” pagtatapos ni Aiza.
- Latest