Pasabog ang budget! Serye nina Claudine, Cesar, at Diet may helicopter sa unang araw ng taping
Sosyal ang first day taping ng Bakit Manipis Ang Ulap dahil may helicopter scene agad.
Ganyan katindi ang upcoming drama series ng TV5 at Viva Entertainment na pagbibidahan nina Claudine Barretto, Cesar Montano, at Diether Ocampo.
Kinunan kahapon ang eksena kaya excited na excited na si Claudine sa kanyang television comeback.
Si Joel Lamangan ang direktor ng Bakit Manipis Ang Ulap na kaabang-abang dahil subok na ang husay niya sa mga soap opera.
BF ni Cristine mabuting impluwensya
Maingay na maingay ang Viva Entertainment sa pagpasok ng 2016 dahil sunud-sunod ang mga bagong show at pelikula nila.
Ang Lumayo Ka Nga Sa Akin ang unang pasabog ng Viva Films dahil showing na ang pelikula sa susunod na Miyerkules, January 13.
Starring sa Lumayo Ka Nga Sa Akin sina Cristine Reyes, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Benjie Paras, Candy Pangilinan, at Maricel Soriano.
Nagkuwento si Cristine sa grand presscon ng Lumayo Ka Nga Sa Akin tungkol sa plano na pagpapakasal nila ng kanyang fiancé na si Ali Kahtibi.
Isang Christian wedding ang balak nina Cristine at Ali na susundan ng beach wedding. Sa Christian wedding, sina Cristine, Ali at ang pastor na magkakasal sa kanila ang tanging involved.
Obvious na good influence si Ali kay Cristine dahil nag-mellow na ito. Mukhang magiging perfect wife and mother si Cristine sa kanyang mag-ama.
Herbert hindi naurirat sa nabulilyasong pelikula nila ni Kris
May important appointment yata si Papa Herbert noong Lunes kaya hindi siya nakadalo sa presscon ng Lumayo Ka Nga Sa Akin. Na-miss tuloy ng mga reporter na type na malaman ang reaksyon niya tungkol sa hindi natuloy na filmfest movie nila ni Kris Aquino.
Hindi naman kawalan kay Herbert ang pelikula dahil may kapalit ito, ang Lumayo Ka Nga Sa Akin na mapapanood sa mga sinehan, isang linggo pagkatapos ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015.
Si Kris lang ang may idea na magsama sila sa isang project na hindi nga nag-materialize dahil sa mga balakid na epekto ng kanilang nabulilyaso na love affair.
Importante kay Papa Herbert ang Lumayo Ka Nga Sa Akin dahil may kinalaman siya sa produksyon at reunion project nila ni Maricel Soriano ang pelikula.
Parehong mahusay sa comedy sina Maricel at Papa Herbert dahil nahasa sila nang husto sa Kaluskos Musmos, ang weekly show nila noong mga inosente pa sila.
AiAi nakapag-promote ng Bebe… sa Amerika
Timing ang pagbabakasyon ni AiAi delas Alas sa Amerika dahil ipalalabas sa U.S. theaters ang My Bebe Love, ang top-grosser movie nila ni Vic Sotto.
Kasama ni AiAi sa U.S. vacation ang kanyang anak na si Sancho Vito na introducing sa My Bebe Love at bilang nasa Amerika sila, dumalo ang mag-ina sa presscon na ginanap kahapon (Monday afternoon sa U.S.) sa isang restaurant sa Los Angeles, California.
Inulit ni AiAi ang pasasalamat sa lahat ng mga nanood ng My Bebe Love at tuwang-tuwa sa mga eksena nila ni Vic Sotto.
Ang sabi ng mga nakapanood, hindi umaarte sina Bossing at AiAi sa My Bebe Love dahil hindi scripted ang mga dialogue ng dalawa. Feel na feel ng mga nanood ng pelikula ang malakas at natural na chemistry nina AiAi at Bossing.
Dahil sa mga good feedback sa My Bebe Love, excited na ang Pinoy community sa Amerika na mapanood ang Metro Manila Film Festival movie nina AiAi at Bossing na hindi malayo na magkaroon ng sequel kung gagawin na basehan ang ending ng pelikula.
- Latest