At least nakaalala ‘di tulad ng iba sikat na aktor isang boteng biscuit, aktres manipis na panyo, at young actor tatlong pirasong brownies ang ipinamasko
Tapos na ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon. Maraming paghamon naman ng 2016 ang haharapin ngayon ng sambayanang Pinoy.
Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ay naging paksa ang mga regalong tinanggap nila nu’ng nakaraang Kapaskuhan sa mga kilalang personalidad.
Ang mga pangalang sangkot sa kuwento ay mga artistang lalaki at babae na naging maganda at progresibo ang karera nu’ng nakaraang taon.
Sabi ng isang miron na malaki ang naitulong sa isang sikat na aktor na magaling umarte, “Ang ipinamigay niya sa amin, isang garapon ng biscuits. Kakaunti lang ang laman, pero maganda naman ang bote.
“Nakakatawa lang, kasi, ang bongga-bongga ng 2015 sa kanya, pero hindi man lang siya nag-prepare para sa mga taong nakatulong sa kanya. Isang boteng biscuit, bow!” natatawang kuwento ng source.
Humirit naman ang isa pang nasa umpukan, ang tinutukoy naman nito ay isang sikat na aktres na magandang-maganda rin ang naging career nu’ng nakaraang taon, pero mukhang sarado rin ang palad.
“Isang burdadong panyo ang nakuha ko from her. Napakanipis. Kapag suminga ka sa isang side, lulusot ang sipon mo sa kabila dahil sa sobrang kanipisan.
“Niloko siya ng pinag-orderan niya ng hanky, sobrang nipis ng ibinigay sa kanya, puwedeng liparin ng hangin sa sobrang kanipisan,” humahalakhak na kuwento ng impormante.
May isang guwapong young actor naman na namigay ng isang kahong brownies. Pero pinakamaliit na kahon ‘yun. Ni hindi ka matitinga sa laman ng maliit na kahon dahil tatlong piraso lang ng maliliit na brownies ang nandu’n.
Sabi ng source, “Pagkatapos ko siyang i-guide the whole year, ito ang trophy ko, three pieces of small brownies.”
Pero nagkaisa naman ang grupo sa opinyon na kahit paano’y nakaalala ang mga personalidad na nagpadala ng regalo sa kanila. Maraming artistang ni hindi nakaalalang magregalo. May mga nangangako pero wala namang dumating.
Ubos!
Laban ni Phillip hindi pinababayaan ng mga kaibigan!
Tuluy-tuloy na ang pag-iikot ni Phillip Salvador sa lalawigan ng Bulacan. Kinakarir na niya ang pagtakbo bilang vice-governor kalaban ang kapwa niya aktor at kasalukuyang ikalawang ama ng probinsiya ng Bulacan na si Daniel Fernando.
Maraming bayan na sa Bulacan ang kanyang napuntahan at tuwing dumarating si Kuya Ipe ay sobrang init ng pagtanggap ang isinasalubong sa kanya.
“Nu’ng minsan, e, nagkita pa kami ni Vice-Governor Daniel sa isang okasyon. Yumakap siya sa akin, tinapik ko naman siya sa balikat. Sa mga tulad namin, e, wala nang dialogue na kailangan.
“Pareho naman kaming lalaki, nagkakaintindihan na kami nu’n. Hindi na namin kailangan pang sabihin na eleksiyon lang ito, pareho lang naming gustong makapagserbisyo sa mga kababayan namin, kaya walang dapat maging problema,” pahayag ng magaling na aktor.
Maraming sumusuporta sa kanyang kandidatura, nakaupo man ang kanyang katunggali sa posisyon ay pinalalakas ng mga taong umaayuda sa kanya ang laban niyang ito, tulad ng magkaibigang Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla.
Ganu’n katindi ang kanilang samahan, nu’ng ang dalawang senador naman ang nahusgahang mapiit ay madalas sa PNP Custodial Center si Phillip, hanggang ngayon basta meron siyang sapat na panahon ay hindi niya nakakalimutang dalawin ang kanyang mga kaibigang karnal.
“Wala kaming iwanan. Proven na namin ‘yun. Hindi na namin kailangang magsalita pa. Basta dumarating na lang kami,” madiing pahayag ni Phillip Salvador.
- Latest