Claudine bubuhayin ang career sa TV5
Umaasa ang marami na makaka-take off na umano sa taong ito ang TV5 sa pagpasok ng Viva’s top honcho na si G. Vic del Rosario, Jr. bilang chief strategist ng entertainment programming ng Kapatid Network.
Ang singing search na Born to be A Star to be hosted by singer-composer-TV host Ogie Alcasid ay nakatakdang simulan sa taong ito ganundin ang TV remake ng Ang Panday na likha ni Carlo J. Caparas. Ito’y pagbibidahan ni Richard Gutierrez at pamamahalaan ni Mac Alejandre. Ito’y tatampukan din nina Alonzo Muhlach, Christopher de Leon, Jasmine Curtis Smith, Ara Mina, Epi Quizon, Bangs Garcia, Carlos Agassi, Regine Tolentino, Ara Mina, Tony Mabesa, at John Regala.
Meron din silang sisimulang iba’t ibang TV series na ang isa ay tatampukan nina Claudine Barretto, Derek Ramsay.
Samantala, ang buong akala ng marami na pagkatapos gumawa ni Claudine sa Star Cinema ng pelikulang Etiquette for Mistresses na pinagsamahan nila nina Kris Aquino at Kim Chiu ay sa ABS-CBN na babalik ang dating Kapamilya star. Kaya naman marami ang nagulat nang malaman na may gagawin itong TV series sa TV5.
Si Claudine ay nasa pangangalaga na ngayon ng Viva Artists Agency na pinamumunuan ni Veronique del Rosario-Corpuz.
Bakasyon ni Alonzo sa U.S. naudlot
Nagbabakasyon ngayon sa Hong Kong ang child star na si Alonzo Muhlach kasama ang kanyang pamilya. Naging busy ang nakaraang taon kay Alonzo dahil nakagawa siya ng dalawang TV series sa ABS-CBN, ang Inday Bote at Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures, dalawang pelikula – ang Wang Fam at Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na Beauty and the Bestie at apat na product endorsements. Pero sa kabila ng kanyang pagiging busy at hindi pinabayaan ni Alonzo ang kanyang pag-aaral at nakuha pa rin nito ang pagiging first honor sa kanyang klase.
Bilang regalo sa kanya ng kanyang mga magulang na sina Niño Muhlach at Abby Tupaz ay nagbakasyon sila sa Hong Kong kasama ang nakatatanda niyang kapatid na si Alessandro.
Gusto sana ni Niño na sa Amerika sila magbakasyon pero hindi puwedeng mawala nang matagal si Alonzo dahil bukod sa kanyang pag-aaral, magsisimula na itong magtaping ng kanyang first TV series sa TV5, na Ang Panday at pagbibidahan ni Richard Gutierrez.
Nakatakda ring simulan this year ni Alonzo ang kanyang solo launching movie under Viva Films, ang movie remake ng Butsoy na unang pinagbidahan ng kanyang ama.
Vic at Pauleen nag-iba ang isip sa kasalan
Gaano kaya katotoo ang balita na hindi na umano magri-release ng details sa forthcoming wedding nina Vic Sotto at Pauleen Luna this month para maiwasang dagsain ito mga tao, pero mapapanood umano sa Eat Bulaga ang magiging kaganapan sa kasal ng dalawa?
Since star-studded ang magiging wedding nina Vic at Pauleen, hindi maiiwasan na ito’y dagsain ng mga fans kapag nalaman ng mga ito ang petsa, venue at oras ng kasal.
- Latest