Beteranang female singer nawawalan ng raket dahil sa pagiging asyumera!
Kontrabida ang tawag ng maraming nakakakilala sa ugali ng isang maituturing na ring beteranang female singer. Palagi kasi siyang nag-iinarte, nagpapaimportante, asyumera kuno ang nasabing babaeng performer.
Tatlo silang sabay-sabay na sumikat sa isang panahon. Magkakalaban ang kanilang mga piyesa, may kani-kanya silang atake, sa kanilang tatlo ay ang female singer pa nga kung tutuusin ang nangangamote.
Ngayong may edad na sila ay marami pa ring kumukuha sa kanilang serbisyo. Pero kailangang sama-sama sila, tutal naman ay madalas din silang mag-show nang tatluhan, pero madalas na nauudlot ang kanilang booking dahil sa isa nilang kamiyembro.
Kuwento ng aming source, “Mapag-inarte kasi si ____(pangalan ng female singer na lumobo na nang husto ang katawan), marami siyang kaechosan sa buhay, kung anu-ano ang hinihingi niya, kaya ayun, umuurong na lang ang promoter sa pagkuha sa kanilang tatlo!
“Raket na maliwanag na sana, maganda naman ang talent fee nila, pero dahil sa babaeng ‘yun, e, napupurnada ang show nila. Okey na ‘yung dalawa, madali silang kausap, pero ‘yung isa?
“Waley! Gusto niyang nakalalamang siya sa spot number, mas malaki ang TF niya kesa sa dalawa, samantalang grupo naman ang pagkuha sa kanila.
“Masyadong asyumera ang babaeng ‘yun, ang akala niya siguro, e, panahon pa rin niya ngayon,” naiinis na kuwento ng aming impormante.
Kung minsan tuloy ay ‘yung dalawang kasama na lang niya ang kinukuha ng show promoter, inilalaglag na lang siya, dahil sa sobra niyang kaartehan.
Pagtatapos ng aming source, “’Yun na lang talaga ang paraan, sayang naman kasi kung pati ang dalawa niyang kasama, e, hindi rin makukuha ng promoter! Sayang ‘yun!”
Ubos!
Sen. Grace hindi nadidiskaril kahit aligaga sa pakikipag-usap sa mga abogado
Magiging abala si Senadora Grace Poe ngayong mga unang buwan ng 2016 sa pakikipag-usap nang masinsinan sa kanyang mga abogado. Kailangan nilang tutukan ang pinakahuling paraan para hindi siya madiskuwalipika sa darating na eleksiyon.
Napakahalaga ng desisyong ilalabas ng Supreme Court sa kanyang apela. Masuwerte siyang nabigyan ng TRO (Temporary Restraining Order) ng SC sa pinalabas na desisyon ng COMELEC, pero temporaryo lamang ‘yun, ang magiging sandalan pa rin niya bilang legal na kandidato ay ang ilalabas na paghusga ng Kataas-Taasang Hukuman.
Napakalaking abala nu’n para sa senadorang tumatakbo sa panguluhan. Sa halip na matutukan niya ang pag-iikot sa ating bansa ay merong gumugulo sa kanyang mga aktibidad, isa ‘yun sa gustong mangyari ng kanyang mga kalaban, ang mawalan siya ng focus.
Mabuti na lang at nasubaybayan nang maayos ng mga kinikilala niyang magulang si Senadora Grace na magpakatatag kapag hinahamon ng panahon, hindi siya madidiskaril, napakaparehas pa rin niyang lumaban.
Ang mga katangiang ipinakikita niya sa publiko ang dahilan kung bakit siya ang napipisil ng ating mga kababayan na mamuno, gusto nilang makita ang isang bagong umaga, umay na umay na kasi ang mga Pinoy sa isang gobyernong puro salita lang naman at kapos na kapos sa gawa.
- Latest