Kalmado sa mga kontrobersiya Sen. Grace Poe hinarana ng hotdog
MANILA, Philippines – Sa gitna ng kontrobersiya sa pulitika, kalmado pa rin daw si Sen. Grace Poe at nakisaya pa sila ng asawang si Neil sa concert ng Hotdog sa PICC kamakailan.
Sinorpresa pa si Grace ng kanta ng magkapatid na Rene at Dennis Garcia na labis na ikinatuwa ng anak ni Da King Fernando Poe Jr. at Ms. Susan Roces.
Sa saliw ng awiting You and I, inawit ni Roy Rico Pangilinan na mala-FPJ ang naturang kanta na may pamagat na Ikaw ang Bida, Ako ang Extra, sa Teleserye Nating Dalawa.
Anang senadora, ang mga aral daw ng kanyang ama ang nagpapalakas ng loob niya sa pagharap ng mga panggigipit na ginagawa sa kanya ng mga kalaban sa pulitika.
“Sa ating pinagdaraanan ngayon, naalala ko ang turo ng aking ama: Huwag kang susuko kapag ang pinaglalaban mo ay tama. Huwag kang susuko kapag ang pinaglalaban mo ay prinsipyo,” sabi ni Grace.
“Higit sa lahat, huwag kang susuko kapag ang pinaglalaban mo ay para sa kapakanan ng kapwa at hindi para sa iyong sarili lamang,” dagdag pa ni Grace na tumatakbong pangulo katambal si Sen. Chiz Escudero.
Wally Bayola story, tampok sa Magpakailanman
Mula Apari hanggang Jolo, kilala ang Dabarkads na si Wally Bayola sa kaniyang pagpapatawa at pagpapanggap na isang bakla.
Ano nga ba ang kaniyang kuwento sa likod ng bawat ngiti at bawat patawa?
Sa isang espesyal na pagtatanghal ng Magpakailanman, ibabahagi ni Wally ang kaniyang kuwento sa lahat: mula sa isang batang hindi pinalaki ng sariling pamilya, sa kaniyang paghihirap para itaguyod ang sarili...
Makikilala rin ang isang Wally na wagas kung umibig, kung paano niya nakilala ang babaeng kaniyang inibig, at kung paano nila hinarap ang mga pagtutol sa kanilang relasyon.
At muli niyang tatahakin ang mga pagsubok na humamon sa kaniyang pagkatao, ang bawat ligaya’t bawat pagkabigo, bago niya nakamit ang tagumpay at kasikatan na nararanasan ngayon.
Ngayong Sabado (December 26), muling tunghayan sa Magpakailanman ang buhay ni Wally Bayola na ngayon ay minamahal natin bilang si Lola Nidora.
Itinatampok sina Wally Bayola, Ara Mina, Irene Celebre, Arnold Reyes, Jessette Prospero, Buboy Garovillo, Kenneth Ocampo, Bing Davao, Sef Cadayona, Yassi Pressman, Akeem Aldover at Sean Antoine.
Mula sa mahusay na direksyon ni Ricky Davao, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA7.
Elmo at Janella susubukan sa Wansapanataym
Ipakikita nina Elmo Magalona at Janella Salvador ang kahalagahan ng pagpapakumbaba sa pamaskong handog ng Wansapanataym Presents: Si Maganda at ang Chauvinist Baboy ngayong Linggo (Dec 27).
Anak ng matulunging mag-asawa na sina Carlos at Anna ang batang si Jessie (Elmo Magalona) kung kaya naman napusuan siyang gawing inaanak ng dalawang fairies ni Santa Claus. Biniyayaan ng fairies si Jessie ng kakisigan at katalinuhan, kung kaya sa kanyang paglaki, maraming babae ang nagkaka-gusto sa kanya. Ngunit dahil sa antensyong kanyang nakukuha, yumabang at tumaas ang tingin ni Jessie sa kanyang sarili. Dahil dito, na-disappoint sa kanya si Irene (Janella Salvador), ang babaeng humahanga kay Jessie at ang favorite letter sender ng dalawang fairies.
Gamit ang magic eyeglasses mula sa mga fairies, nakita ni Irene na anyong baboy ang puso ni Jessie na sumasalamin sa kanyang pagkatao. Para hindi na siya makapanakit pa ng ibang mga babae, hiniling ni Irene na maging baboy si Jessie. Ayon sa fairies, mawawala ang sumpa kung may tunay na magmamahal sa kanya sa kabila ng kanyang pagiging anyong baboy.
Makahanap kaya si Jessie ng babaeng magbibigay sa kanya ng tunay na pagmamahal? Matutunan niya pa kayang magpakumbaba?
Kasama din sa Wansapanataym Presents: Si Maganda at ang Chauvinist Baboy sina Ramon Christopher, Christian Vasquez, Cheska Iñigo, Malou Canzana, Mutya Orquia, Myel de Leon, at Leo Rialp.
Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Onat Diaz at panulat ni Mari Lamasan.
Huwag palampasin ang mga kwentong kapupulutan ng aral sa Wansapanataym Presents: Si Maganda at Chauvinist Baboy ngayong Linggo (Dec 27).
Julia, gusto nang gumaling ang ama
Tanging hiling ni Kara (Julia Montes) ngayong Pasko ang tuluyang pag-galing ng kanyang amang si Antonio (Allen Dizon) matapos malagay sa peligro ang buhay nito sa Doble Kara. Bagama’t nagkaroon na ng malay, kasalukuyan pa ring lumalaban para sa kanyang buhay si Antonio. Sa kabila din ng mga pangyayari, hindi pa rin tumitigil si Lucille (Carmina Villaroel) na ilayo ang kanyang asawa kina Kara at Sara at patuloy na sinisisi ang kambal sa kinahinatnan ni Antonio. Magkaroon nga kaya ng katuparan ang hiling ni Kara?
Lumambot na kaya ang puso ni Lucille para sa kambal? Huwag palampasin ang kwento na magpapadama ng tunay na pagmamahal, Doble Kara, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng It’s Showtime sa ABS-CBN Kapamilya Gold.
- Latest