Pokwang ayaw patawag na Comedy Queen
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdiwang si Pokwang ng Kapaskuhan na kasama ang kasintahang si Lee O’Brien. Maganda ang takbo ngayon ng buhay pag-ibig ni Pokwang kaya masayang-masaya siya ngayong araw ng Pasko.
Mayroong payo ang aktres para sa mga kababayan nating nakararamdam ng kalungkutan ngayon. “May mga kanya-kanya naman tayong kalungkutan pero isipin na lang din natin ang ating mga kababayan na nasalanta ng mga kalamidad na hindi pa rin kagandahan ang Pasko nila.
“Lahat ng nangyayaring things sa atin ay may reason para maging strong tayo sa mga darating na bukas. So every time na imumulat natin ‘yung mata natin, maraming dahilan para maging masaya. Be thankful araw-araw gumigising tayo na kasama pa natin ‘yung mga mahal natin sa buhay. Isipin na lang natin lahat ng magagandang bagay. Kung ano man ‘yung mga nagpapasakit sa atin ngayon, kunin natin ‘yun bilang tungtungan para maabot natin ‘yung gusto natin sa buhay,” nakangiting pahayag ni Pokwang.
Samantala, isa ang aktres sa pinakakilalang komedyante sa bansa. Hindi raw naghahangad ang komedyana na tawaging Comedy Queen dahil pag-aari na ito ni AiAi Delas Alas. “No kasi alam naman natin kung kanino po ‘yan di ba? Hayaan na lang natin, okay na ako na blessed ako araw-araw, nakapagpapasaya ako ng pamilya ng mga nagmamahal sa akin. Hindi ako napapabayaan ng network. Bongga na po ako do’n,” paliwanag ng aktres.
Kathryn nagpapaka-mature na
Nakare-relate na raw ngayon si Kathryn Bernardo sa kanyang karakter sa Pangako Sa ‘Yo bilang si Yna. Nagbago na raw kasi ang personalidad ni Yna sa book 2 ng nasabing teleserye.
“Actually nae-enjoy ko ‘yung transition niya because ‘yung book 1 kilala natin si Yna bilang simple. Doon galing sa probinsya na masunurin. Well ganoon pa rin naman sa book 2 pero mas nag-grow and mas naging modern woman ‘yung Yna ngayon. Na-enjoy ko siyang gawin kasi mas may Kathryn nang kaunti and mas fun,” paliwanag ni Kathryn.
Para sa dalaga ay malaki na rin ang naitulong sa kanila ng katambal na si Daniel Padilla bilang mga artista ng kanilang soap opera. “Kasi ito ‘yung pinaka-mature na nagawa namin eh. Kailangan hindi siya dapat kilig-kilig lang, kailangan din siya ng lalim. ‘Yung great love story, ‘yun din naman ‘yung story ng Pangako Sa ‘Yo na kailangan naming bigyan ng justice,” pagbabahagi ni Kathryn.
- Latest