Probinsyano namamayagpag pa rin nationwide
MANILA, Philippines – Nananatiling pinakapinapanood na TV network sa bansa ang ABS-CBN noong Nobyembre matapos pumalo sa national average audience share na 42% ang Kapamilya Network sa pinagsamang urban at rural homes base sa datos ng Kantar Media.
Patuloy na namamayagpag ang mga programa ng ABS-CBN lalo na pagdating sa primetime (6PM-12MN) kung saan nakakuha ito ng average audience share na 49% nationwide. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Hindi pa rin matinag sa unang pwesto ng pinakapinapanood na programa sa bansa ang FPJ’s Ang Probinsyano na may average national TV rating na 39.9% na sinundan ng Pangako Sa’yo (34.8%) at bagong dance reality serye na Dance Kids (31.6%) na agad pumasok sa top three matapos lang ang tatlong linggo sa ere.
Umakyat naman sa ikaapat na pwesto ang Wansapanataym (31.5%) mula sa ikaanim na pwesto noong Oktubre kasunod ang TV Patrol (31.4%) at weekend top raters na Maalaala Mo Kaya (28.2%) at Home Sweetie Home (28%).
Mainit pa rin sa ratings ang Pasion De Amor at patuloy na bumebenta ang kwelang hatid ng Going Bulilit na tabla sa ika-siyam na pwesto sa average national TV rating na (26%).
Namamayagpag rin ang ABS-CBN sa ibang teritoryo tulad sa Balance Luzon kung saan pumalo ito sa national average audience share na 42%; sa Visayas sa audience share na 53%; at sa Mindanao na may 54%.
- Latest