‘Di matiis kahit pagod na pagod Susan sinugod sa bahay si Sen. Grace kahit madaling-araw!
Kahit pagod sa taping, pinuntahan agad ni Susan Roces aka Manang Inday si Senator Grace Poe sa bahay nito nang malaman niya ang desisyon ng COMELEC na na-disqualify sa presidential race sa 2016 ang kanyang anak. Mismong si Mama Grace ang nagbahagi sa isang radio interview tungkol sa pagdamay sa kanya ni Manang Inday.
Take note, nanggaling ang kuwento mula kay Baby K. Jimenez, ang family friend ng mga Poe. Canada-based si Baby K. pero isa siya sa mga unang nakaalam ng pasya ng COMELEC.
Ito ang pahayag ni Mama Grace tungkol sa pangungumusta sa kanya ng nanay niya. “Alam n’yo kagabi, siguro mga mag-a-alas dose na. Galing siya (Manag Inday) sa taping ng kanyang teleserye, Ang Probinsiyano, dumaan siya rito sa bahay.
“Nagulat nga ako kasi mag-a-ala una na nga ‘yon. Sabi niya, alam mo nagtatrabaho ako tapos nu’ng gabi na, nu’ng magdi-dinner na, sinabi nga sa kanya na nabalitaan nga sa radyo ay ganoon, kumusta ka na?
“So, siyempre bilang nanay, gusto lang naman niya na bigyan ako ng kaunting suporta sa mga panahon na iyon. At alam mo, tinuruan ako ng nanay ko na maging matapang din kaya ang pagpunta niya rito ay talaga naman para lamang makiisa at para mapaalala rin sa akin na talagang ang mga pinagdaanan noon ng tatay ko. Na hindi na ito bago pero ang intensiyon niya’y makatulong.
“Sabi niya, ‘Worth it naman ito e, kasi kung saka-sakaling ikaw ay pagpalain at sabihin ng Diyos na ikaw ay karapat-dapat para riyan, ang dami mong pwedeng tulungan.’
“Lahat naman ng mga ipinangako noong ako’y tumakbo bilang senador ay ginagampanan ko. Ang pagiging patas sa anumang mga pagdinig sa senado.
“Pati na rin ‘yung mga inihain kong batas, mga panukala para maging batas. ‘Yan naman po ay nakasentro para po sa pagkain, para sa mga manggagawa, para sa kalusugan, at para sa katarungan,” ang sharing in the city ni Mama Grace.
Sen. Grace wala raw planong umurong
Dahil sa news tungkol sa disqualification ni Mama Grace sa presidential race, nabuhay na naman ang classic line na binitiwan ni Manang Inday noong June 2009, ang “You stole the presidency, not once but twice!”
Senatorial candidate ng Partido Galing at Puso nina Mama Grace at Senator Francis Escudero si Atty. Lorna Kapunan. Sa early Christmas lunch kahapon ni Mama Lorna para sa entertainment press, sinabi niya na hindi nila ikinagulat ang disqualification kay Mama Grace dahil ito nga ang pinapaboran ng marami na mag-win sa eleksyon ng bagong pangulo ng bansa sa May 2016.
Tiniyak ni Mama Lorna na ilalaban ni Mama Grace ang kaso nito at sure siya na matutuloy ang pagkandidato ng standard bearer ng Partido Galing at Puso.
Naniniwala si Mama Lorna na magiging mahusay na lider ng bansa si Mama Grace kaya hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang imbitasyon na maging senatorial candidate ng PGP.
Mga kliyenteng artista ni Atty. Kapunan suportado ang kanyang pagse-senador
Kilala si Mama Lorna bilang legal counsel ng mga celebrity. Kinumpirma ni Mama Lorna na susuportahan ng mga celebrity clients niya ang kanyang senatorial bid. Sina James Yap, Julia Barretto, at Hayden Kho, Jr. ang ilan sa mga celebrity client ni Mama Lorna na ang husay-husay at ang linaw-linaw ng mga paliwanag tungkol sa kaso ni Mama Grace.
Ang mga katulad ni Mama Lorna ang dapat na inihahalal sa senado.
- Latest