Poe: Walang pulot ang dapat dumanas ng dinanas ko
MANILA, Philippines - Habang patuloy na sinasabi ng kanyang mga katunggali na hindi siya kwalipikadong tumakbong pangulo ng bansa, para kay Sen. Grace Poe, iisang bagay lang ang malinaw: hindi dapat abandonahin ang mga batang inabandona na nga ng kanilang mga magulang. Inabandona na nga, kailangan pa bang pabayaan?
Ayon sa mga bali-balita, tikom ang bibig ni Poe ukol sa mga atake sa kanya, subalit patuloy umano siyang lalaban para sa karapatan ng mga batang napulot o “foundling.”
“Nakalulungkot isipin na kailangang danasin ng isang tao o ng isang bata ang kawalang-hustisya at ang masasakit na salita, at sa nakalipas na mga buwan, dinanas ko ito,” malungkot na sabi ni Poe.
Kung sabagay, kahit na nga naman nagtagumpay sa kaso si Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET), patuloy na binabatikos ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang senadora na naggigiit na hindi siya tunay na Pilipinong isinilang sa bansa dahil napulot lamang siya sa tabi ng isang simbahan sa Jaro, Iloilo at hindi matukoy kung sino ang totoo niyang mga magulang.
Ilang ulit na sumailalim si Poe sa mga DNA test, sangkot ang dalawang babaeng mula sa angkan ng mga nakapulot sa kanya nang siya ay abandonahin sa simbahan ng Jaro noong 1968. Hindi nagtugma ang kanilang mga DNA.
May tatlong DNA test pa ang isinagawa kay Poe ngunit hindi pa lumalabas ang resulta nito, ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Poe.
“Nakalulungkot ding isipin na ang isang bata na ibandona na nga o hindi nakilala ang taong nagluwal sa kanya ay pinupuwersa ngayong ilabas ang kanyang totoong mga magulang, na sa kung anumang dahilan, ay napilitan siyang abandonahin,” ani Poe.
“Bawat batang napulot sa bansang ito, may karapatan na mangarap. Kung ang bata ay lalaking may integridad, at kung tapat siya at may matinding pagnanais na magsilbi, dapat na payagan siyang maging lingkod-bayan,” paliwanag ni Poe sa mga interview.
Mula sa pagkalinga nina Edgardo at Sayong Militar na nakapulot sa kanya sa simbahan ng Jaro, ipinasa nila ang sanggol sa isang asindera sa Negros Occidental na si Tessie Ledesma, na sa bandang huli ay nakiusap sa kaniyang matatalik na kaibigan na sina Fernando Poe Jr. (FPJ) at Susan Roces, kapwa bigating artista sa lokal na showbiz, na ampunin ang batang magiging Mary Grace Poe.
- Latest