Barbie namomroblema na walang manliligaw
Maganda ang dating ng 2015 kay Barbie Forteza. Hindi lamang ang karera niya ang naging mabulaklak kundi maging ang personal nilang buhay ng kanyang pamilya. ‘Yun nga lamang, sa edad na 18 ay wala pang matapang na lalaki ang pumapasyal sa kanilang bahay para ligawan siya. Hindi naman mahigpit ang kanyang mga magulang. Pinapayagan na siyang dalawin at maligawan sa kanilang bahay na isa ring maituturing na blessing niya sa taong ito. Isang rent-to-own unit ito na may tatlong bedrooms at isang maid’s quarter.
Maituturing din niya ang pagkakataon na makagawang muli ng isa pang indie film kasama ang Superstar na si Nora Aunor. Ito ang Tuus na kinunan pa sa Iloilo.
“Sobra niyang gaan kasama at katrabaho. Hindi siya mahirap kausapin. Nung una, sa look test, ay kinabahan ako sa kanya dahil napakatahimik niya. Pero, nung malaunan ay bigla na lang siyang nag-open up at naging madaldal.
“Mahirap ang mga eksena namin dahil malalim na Tagalog ang script namin. Pero may nagtuturo naman kaya madaling i-memorize. Sa susunod na Cinemalaya Filmfest ito mapapanood,” anang artista na ibinibilang na ang kanyang high school graduation bilang highlight ng 2015. Ang iba pa ay ang kanyang debut, Gawad Urian Award, Sunday PinaSaya at ang pagpapahaba pa ng The Half Sisters na ikinae-excite niya ang paglalaban ng dalawang guwapo at matatangkad na lalaki sa kanya. Masaya niyang inaalala na kapag may eksena siya kasama sina Andre Paras at Ruru Madrid ay palagi siyang naka-apple box.
“Ready na rin akong makipagrelasyon kaso wala pang nanliligaw sa akin,” paninimdim niya.
Dating PDA singer, tinakasan ng produ ng album
Kuha sa tatak ng isang matapang na alak ang kanyang pangalan. At katulad ng nasabing inuming panlalaki na habang nagtatagal ay lalo ring sumasarap, habang nagtatagal ay lalo namang nagiging mahusay sa kanyang craft si Chivas. Umani siya ng tatlong gold, silver, and bronze medals sa sinalihan niyang international competition na WYCOPA.
Pitong taon na ang nakakaraan nang makasali si Chivas sa Philippine Dream Academy (PDA) ng ABS-CBN kung saan si Laarni ang naging kampyon. Sa loob ng pitong taon simula nang magtapos ang PDA 2, nasa Dumaguete lamang si Chivas kasama ang asawa’t anak. Naging miyembro rin ng PDA ang asawa niya kaya hindi naging lihim ang kanilang relasyon.
Sa panahong ‘yun ay kumakanta-kanta rin siya sa gigs, pero ang kanyang panahon ay nauubos sa pagtulong sa kanilang family business. Hindi ito naging sapat sa kanya. Kaya bumalik siya ng Maynila para muling ipagpatuloy ang kanyang singing career.
Sa kasalukuyan ay gumagawa siya ng isang compilation album. Hindi ito ang first time niyang mag-recording. May ginawa na siyang una, pero tinakasan lamang siya ng tumayong prodyuser. Ito ay matapos na makuha sa kanya ang buong kabayaran ng proyekto na iniwan nitong nakatiwangwang.
Derek may masamang tinapay kay Claudine?
Malaking insulto nga naman para kay Claudine Barretto ang ginawang hayagang pagtanggi ni Derek Ramsay na makapareha siya sa isang proyekto ng TV5. Sa galing ba naman niya ay merong tatanggi na makapareha siya.
I’m sure pipilitin ni Claudine na marating ang puno’t dulo ng isyung ito. Baka nga naman may namamagitan sa kanila ng aktor ng kung ano man na hindi niya batid.
- Latest