Paris napasok na rin ng mga terorista!
Ang Paris-based friend namin na si Babette Aquino ang unang pumasok sa isip ko nang mabalitaan ko kahapon ang terrorist attack sa Paris, France.
I’m sure, nasa mabuting kalagayan si Mama Babette pero nakaka-worry talaga ang brutal na krimen na nangyari sa Paris noong Biyernes.
Hindi kalayuan ang bahay ni Mama Babette sa palasyo ng presidente ng France. Parang nai-imagine ko na ang mahigpit na security sa lugar ni Mama Babette na hindi nawawalan ng mga pulis.
Kung malapit sa presidential palace ang bahay ni Mama Babette, mas malapit sa palasyo ang condo unit na tinitirhan ko kapag nagbabakasyon ako sa Paris.
Nakakalungkot isipin na napasok na rin ng mga terorista ang isa sa mga beloved city sa buong mundo. Naniniwala ako na mahuhuli agad ang mga tao na nasa likod ng sabay-sabay na terrorist attack sa maraming lugar sa Paris.
Pinagdausan ng kasal ng apo ni Mother Lily nakaka-relax
Nabalitaan ko ang nangyari sa Paris habang busy ako sa paghahanda para sa kasal nina Keith Monteverde Teo at Winni Wang sa Shangri-La Resort, Boracay.
Ang terrorist attack sa Paris ang pinag-uusapan ng halos lahat ng mga bisita na lumipad pa mula sa Maynila para saksihan ang pag-iisang-dibdib ng apo ni Mother Lily Monteverde sa fiancée niya.
Ang ganda-ganda ng kasal dahil ginanap ito kahapon sa isang tahimik at sosyal na lugar.
Nag-enjoy ako nang husto sa Boracay trip ko dahil relaxed na relaxed ang pakiramdam ko. Hindi nagkamali si Keith at ang kanyang misis sa choice nila na magpakasal sa Boracay island. Congrats Keith and Winni!
Mas magandang lalaki raw sa kanya Sen. Chiz ayaw makasabay sa kampanya si Isko Moreno
Senatorial candidate ng Partido Galing at Puso si Manila City Vice Mayor Isko Moreno.
Si Senator Grace Poe ang standard bearer ng PGP at running mate niya si Senator Chiz Escudero.
Malapit na ang panahon ng kampanya at siguradong madalas na magkakasama sina Papa Chiz at Papa Isko.
Hindi ako sure kung nagbibiro o seryoso si Papa Chiz sa pahayag nito na iniiwasan niya na makasabay sa pangangampanya si Papa Isko dahil mas magandang lalaki ito kesa sa kanya.
“Hangga’t maaari, ayokong makasama si Isko sa paglilibot. May itinuro sa akin ng lolo ko. Sa mga kalalakihan dito baka magamit ninyo rin ang payo ng lolo ko,” ang tip ni Papa Chiz nang mag-ikot sila ni Papa Isko sa Nueva Vizcaya nitong nakaraang linggo.
“Ang sabi sa akin ng lolo ko,‘Chiz, kung pipili ka lang ng kaibigan at lalabas kayo, tiyakin mo na sa mga kasama mo, ikaw na ang pinaka may hitsura. Kahit na hindi ka guwapo, angat ka pa rin,’” ang natatawa na tip ni Papa Chiz.
Ayon naman kay Mama Grace, gusto niya na maging inspirasyon si Papa Isko ng mga mahihirap na kababayan na nangangarap na makaangat din sa buhay. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na naranasan ni Papa Isko na maging basurero bago siya na-discover na artista.
“Kahit galing sa angkan ng mahihirap sa Tondo, nakita natin kung papano niya iniangat ang sarili, nag-aral, gumawa ng paraan para makapag-aral, kung anu-ano’ng trabaho ang pinasok.
“Hindi niya ikinahiya ang pagiging mahirap at hindi rin kinalimutan na nakarating siya sa paroroonan dahil sa masang Pilipino na sumuporta sa kanya,” ang mga papuri ni Mama Grace sa actor-politician na malayo na ang narating dahil sa tiyaga at sikap.
- Latest