Manlolokong producer ng JaDine concert sa Bohol, wanted na!
Maaga ako na nakatanggap ng phone call kahapon mula sa aking businessman friend, si Mr. Gunn Roque ng M&Co.
Worried na worried ang tono ng boses ni Papa Gunn habang kausap ko dahil sa report ko tungkol sa show nina James Reid at Nadine Lustre sa Bohol noong October 23 na hindi natuloy bilang hindi kilala at hindi nakausap ng mga bossing ng Viva Artist Agency ang show promoter na Vantage International Bohol.
Kahapon ko lang nalaman na si Papa Gunn pala ang may-ari ng Vantage International at franchisee ng kanyang kompanya ang tao na nag-produce ng JaDine show sa Bohol.
Mabuting tao at mahusay na kausap si Papa Gunn kaya pinaniniwalaan ko ang kanyang paliwanag. Ang pagkakaintindi ko, hindi direktang nakipag-usap sa Viva Artists Agency ang Vantage International Bohol dahil nakipag-negosasyon sila sa isang tao na kiyeme-kiyemeng may koneksyon sa kampo nina James at Nadine.
Pumalpak ang show dahil walang JaDine na sumipot sa Bohol Wisdom Gym noong Biyernes? Paano sila sisipot eh walang kamalay-malay ang Viva Artists Agency na may show sina James at Nadine sa Bohol?
Magdedemanda ang VAA ng misrepresentation laban sa mga tao na nanggamit sa kanilang mga talent at ito ang main concern ni Papa Gunn dahil nadadamay ang malinis na pangalan ng kanyang kompanya.
Sinabi ko kay Papa Gunn na tutulungan ko sila na makausap si Veronique del Rosario, ang big boss ng Viva Artists Agency para makapagpaliwanag siya pero mahalaga na ipahanap niya ang tao na nagpanggap at nangako na kayang-kaya nito na pasiputin sa Bohol sina James at Nadine.
Marami ang naperwisyo dahil sa kasalanan ng isang tao, ang Viva Artists Agency, sina James at Nadine, ang Vantage International at ang kawawang fans na umasa na mapapanood nila sa isang concert ang loveteam na sinusuportahan kaya dapat lang na kasuhan ni Papa Gunn ang dapat managot sa nangyari na kapalpakan.
Magsilbi sana na aral sa mga gustong mag-produce ng mga concert sa probinsya o sa ibang bansa ang nangyari sa Vantage International Bohol. Imbes na makipag-deal sa mga booking agent, dumiretso kayo ng pakikipag-usap sa mga totoong in charge sa career ng mga artista dahil napakadali na ngayon na hanapin sa Internet ang mga contact number nila.
Basketbolistang si Von Pessumal artistahin ang dating
Parang nanalo sa lotto si Dr. Chandru Pessumal nang mabasa niya sa Pilipino Star NGAYON (PSN) ang item ko tungkol sa kanyang anak, ang Ateneo Blue Eagles player na si Von Pessumal.
Tuwang-tuwa si Dr. Chandru dahil nagsulat ako tungkol sa inaanak ko sa binyag. Talagang big deal kay Dr. Chandru at sa kanyang asawa na lumabas sa PSN ang report ko tungkol kay Von.
Mula nang malaman ko na basketball player na pala si Von, nagkaroon na rin ako ng hilig sa basketball dahil proud ninang ako.
Take note, puwedeng artista si Von dahil artistahin siya pero mas makabubuti na tapusin niya ang kanyang pag-aaral.
Dahil maligayang-maligaya ang parents ni Von, iniisip ko na ipainterbyu ang bagets kay Papa Ricky Lo ng Philippine Star. Hinihintay ko lang na dumating si Papa Ricky mula sa Amerika para ma-set ko na ang one-on-one exclusive interview niya sa aking godson.
- Latest