It’s Showtime nanawagan sa madlang people para sa nasalanta ng bagyo
MANILA, Philippines - Inilunsad sa It’s Showtime noong Miyerkules (Oct. 21) ang bagong kampanya ng ABS-CBN na “Show the Love” na naglalayong makalikom ng donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong Lando. ?
Hango sa tradisyon ng It’s Showtime, magpapasikat ang iba’t ibang Kapamilya stars sa iba’t-ibang lugar at mangongolekta ng anumang halaga na ilalagay sa mga coin bottles. Nauna nang nagpasikat ang hosts ng Kapamilya noontime show noong Martes (Oct. 20) ng gabi na nag-alay ng awitin sa mga manonood sa Historia Bar sa Quezon City.
“Simula pa lang ‘yan dahil hindi lang po It’s Showtime ang magpapasikat for a cause. Kaisa namin ang lahat ng Kapamilya stars in showing our love for our Kapamilyas na sinalanta ng bagyong Lando,” sabi ng It’s Showtime host na si Billy Crawford.
Nagdulot ng matinding pagbaha ang bagyong Lando na ikinasira ng maraming kabuhayan sa Gitna at Hilagang Luzon. Ayon sa report ng ABS-CBNnews.com, humigit-kumulang 412,000 na tonelada ng pananim ang napinsala at 107,000 na tao ang naapektuhan ng bagyo. Kasalukuyan ding lubog pa sa baha ang mga apektadong bayan at nangangailangan ng pag-rescue mula sa mga otoridad.
“Ang mga donasyong malilikom sa Show the Love campaign ay ipauubaya sa Sagip Kapamilya upang magamit para sa relief operations at rehabilitasyon ng mga bayang napinsala. Bagong pag-asa at isang masayang kapaskuhan ang maibibigay ng kahit na anumang halaga na maibabahagi ng mga tao para sa muling pagsisimula ng mga taga Gitna at Hilagang Luzon,” sabi ng It’s Showtime host na si Karylle.
At noong Miyerkules, sabay pa rin sa Show the Love campaign ay lumibot sa ABS-CBN ang ilan sa mga former PBB (Pinoy Big Brother) housemates na sina Joshua Garcia, Loisa Andalio, Fourth and Fifth Solomon, Kenzo Gutierrez, at Kamille Filoteo upang humingi ng boluntaryong donasyon mula sa mga employadong nais makibahagi sa pagtulong sa mga kababayang ngayon ay nasa mahirap pa ring sitwasyon.
Nagbigay din ng announcement ang It’s Showtime hosts para sa mga nais magpadala ng tulong gaya ng bigas, noodles, at de lata na maaaring ipadala ang mga ito sa Sagip Kapamilya office sa #13 Examiner St. West Triangle, Quezon City mula 8 a.m. hanggang 8 p.m. Para din sa karagdagang detalye, maaring tumawag sa Sagip Kapamilya hotlines: 411-4995/412-1459.
- Latest