Luis Manzano papasukin din ang politika – Edu
MANILA, Philippines — Matapos maghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC), sinabi ng aktor na si Edu Manzano na papasukin din ng kaniyang mga anak ang mundo ng politika sa hinaharap.
Kasamang naghain ni Manzano ng COC ang kaniyang mga anak na sina Luis, Amanda, at Lorenzo sa tanggapan ng Commission on Election sa Intramuros.
Tatakbong senador si Manzano sa eleksyon 2016 bilang isang independent candidate.
Nabanggit ni Edu na ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay tatakbo rin ngunit hindi pa ngayon.
"Malay niyo si Luis naman ang nakatayo sa harap niyo sa susunod," wika ni Edu na dating Optical Media Board chairperson.
Usap-usapan na dati ang pagpasok sa politika ni Luis dahil sa matatapos na termino ng kaniyang inang si Vilma Santos sa Batangas bilang gobernador.
Samantala, tumakbong bise presidente si Edu noong 2010 national elections kung saan running mate siya ni dating Defense Secretary Gilberto "Gibo" Teodoro Jr.
Dati na ring nanilbihan ang aktor bilang vice mayor ng Makati City noong 1998 hanggang 2001.
Tatakbo namang kinatawan ng Batangas ang star for all seasons si Ate Vi.
- Latest