Nakaraan ayaw nang balikan, Kim at Maja unti-unting binubuo ang nadurog na friendship
Wala na raw talagang nangyayaring ilangan ngayon sa pagitan nina Kim Chiu at Maja Salvador matapos magkaroon ng tampuhan noon. Matatandaang si Kim ang unang naging kasintahan ni Gerald Anderson at pagkatapos ay si Maja naman ang naging kasintahan ng aktor pero nagkahiwalay din ang dalawa. “Friends talaga kami and mas maganda mag-forgive kaysa buong buhay mo may burden ka sa loob. Mas masaya na walang kaaway,” nakangiting pahayag ni Kim.
Samantala, hindi man makapagbigay ng detalye si Maja kung ano ang nangyari noon sa pagitan nila ni Kim ay masaya na raw sila sa kanilang sitwasyon ngayon. “May mga bagay na kami lang ni Kim ang nakakaalam at ayaw ko na pong idetalye ‘yon at ayaw ko na ding balikan. Kasi ngayon sobrang happy ako na okay kami ni Kim, na minsan parang pabalik na ‘yung friendship. Kasi minsan iba kaming mag-usap sa ASAP. Sobrang masaya ako kung ano ang estado, kung ano ang mayroon kami ni Kim, papuntang friendship po. Kasi kung nawasak ‘yung dati, sobrang nadurog ito, paunti-unti binubuo,” makahulugang pahayag naman ni Maja.
Jhong iiwan ang showbiz para sa pulitika
Malaki ang naging impluwensya ng ama ni Jhong Hilario upang magdesisyon ang aktor na pasukin na rin ang pulitika. Tatakbo si Jhong bilang konsehal ng Makati City para sa nalalapit na eleksyon. “Tapos na ang term niya and ako kasi lumaki ako na nasa pulitika ang daddy ko. Eighteen years siyang naging barangay captain at 9 years siyang naging councilor ng Makati at never akong nakarinig ng negative na sinasabi sa kanya. So habang lumalaki ako ay na-realize ko ang mga tao pala ay iba-iba. May mga taong nilikha para magsilbi sa mga tao,” pagbabahagi ni Jhong.
Ngayon pa lamang ay nakahanda na raw ang aktor sa mga negatibong salita na kanyang maririnig sa bagong mundo na kanyang papasukin. “’Yun ang life kasi wala namang may magsasabi sa iyo ng masama, hindi ka maggo-grow. So itong mga negative ay kailangan mo lang paghandaan at iwasan na hindi makasira sa iyo,” giit ni Jhong.
Aminado ang aktor na naging mahirap din ang kanyang desisyon na pasukin ang pulitika lalo pa’t namamayagpag naman ang kanyang showbiz career. “May time na iniisip mo baka maiwan mo ang show business. Nare-realize ko na okay ang career ko, mayroon akong hosting, mayroon akong noontime show, mayroon akong teleserye at nagkakaroon ako ng out of town shows, mga endorsements. Pero kasi since idol ko ang tatay ko talaga at sa Showtime ay ganoon din ang ginagawa ko, makatulong sa tao, maka-inspire sa tao. Kailangan ko lang siguro ipagpatuloy kung ano ang nasimulan ng tatay ko,” nakangiting pahayag ng actor-dancer.
Kung sakaling maluluklok sa posisyon ay hindi pa raw alam ni Jhong kung iiwan na niya ang pag-aartista. “Kapag kaya namang pagsabayin pwede ko namang pagsabayin. Kasi ganoon din naman ang nangyayari sa akin sa teleserye at Showtime na talagang puyat dito, trabaho rito, napagsasabay ko naman. Ngayon kung talagang tinawag tayo ng tao para makapaglingkod sa kanila na ‘di ka na makakapag-showbiz, siguro kailangang mag-quit sa showbiz,” pagtatapos ni Jhong.
- Latest