Dahil mas magaling gumiling, Maja naagaw kay Liza si Enrique
Hindi naman siguro pagseselosan pa ni Liza Soberano ang ginagawang pagpapareha kina Enrique Gil at Maja Salvador. Magandang paraan nga ito para tuluyan na siyang makaiwas sa tandem nila ni Enrique na sinasabi ng marami na naapektuhan ng isyu nila sa eroplano.
Si Enrique nga naman ang maituturing na pinakamagaling na dancer sa ASAP at sa kabuuan ng Kapamilya Network. Siya ang Mark Herras ng ASAP. Bagay silang magka-partner sa dance floor ni Maja.
At malay n’yo, baka umabot pa sa pelikula at TV ang pagpa-partner nila. Kapag nagkataon, baka masira ang LizQuen tandem na parang sinusubok ngayon ng panahon.
Kris hindi mapakali sa pang-MMFF movie
Tila nakakita ng isang little sister si Kris Aquino kay Kim Chiu kung kaya hindi lamang sa TV niya ito gustong makasama kundi maging sa pelikula rin. Katatapos lamang nila ng Etiquette For Mistresses kung saan isang napakagandang role ang ipinagkaloob niya sa dalaga na napilitang lumabas sa kanyang comfort zone.
Hindi naman siya nagkamali sa pagtanggap ng project, napansin ang pagkakaganap niya sa role ng isang kabit gayung apat na magagaling at mas senior actresses ang kasama niya - Kris, Claudine Barretto, Iza Calzado, at Cheena Crab.
Marami namang pagbabago ang ginawa ni Kris sa pang-MMFF (Metro Manila Film Festival) movie nila mula sa titulo, maging sa cast nito. Sa latest change na ginawa niya, wala nang banggit sa mga pangalan nina Derek Ramsay o Mayor Herbert “Bistek” Bautista. Ang hindi natanggal at nananatiling kasama sa cast ay ang bunso niyang si Bimby Yap.
Sa lahat ng galaw ni Kris para sa movie ay may permiso ng Star Cinema big boss na si Malou Santos. Inanunsyo pa niya ito sa kanyang Instagram account.
Wala pa namang umaalma sa kanyang mga ginagawang changes para sa pelikula at maging ang mga fans ng LizQuen ay wala ring problema.
Mayor Erap at VM Isko tinuhog ang Felix Manalo at birthday ni Kuya Germs
Puring-puri ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang pelikulang Felix Manalo na sabay nilang pinanonood ni Mayor Joseph Estrada ang premiere night nung Linggo ng gabi. Kaya nga photo finish at muntik na silang hindi umabot sa surprise birthday party ni German “Kuya Germs” Moreno na inorganisa ng nag-iisang anak ng Master Showman na si Federico Moreno.
Simple lamang, pero masaya ang naging kaganapan sa party na dinaluhan ng mga malalapit na kamag-anak at kaibigan ni Kuya Germs.
May ilan ding miyembro ng press na matagal nang kaibigan ng TV host ang dumating sa imbitasyon ni Freddie na talagang nag-effort para mabigyan ng isang maganda at makabuluhang selebrasyon ang kaarawan ng kanyang ama na ginawa na ring isang malaking pagpapasalamat ang okasyon dahila sa mabilis nitong paggaling sa sakit.
Nagkaro’ ng kantahan kung saan lahat ng may gusto ay nag-participate. Nagsilbing host ng programa si John Nite at Sharmaine Santiago, mga hosts din ng Walang Tulugan with the Master Showman.
Bumati lamang ang manugang niyang si Shiela Magdayao-Moreno, pinaka-ate ng mga magkakapatid na Vina Morales, Shaina at Sheryl Magdayao.
Labis-labis ang inihandang hapunan ng magkakapatid na Marichu Maceda at Lillibeth Perez-Nakpil. Bumaha ng lechon, roast beef, fresh lumpia, rellenong manok, putanezca, at ang hinahanap-hanap na matamis na saba at leche flan.
VM Isko hindi pa sigurado sa senado
Hindi pa pala sigurado na tatakbo para sa Senado ni VM Isko Moreno. Wala pa siyang pinal na desisyon bagaman at may alok na siya mula sa Liberal Party para makasama sa listahan nila ng mga tatakbong senador para sa 2016.
Sa kasalukuyan ay bahagi pa rin siya ng Pwersa ng Masang Pilipino na ayaw niyang iwan at magkawatak-watak sakali mang tanggapin niya ang alok ng ibang political parties.
Mahaba pa naman ang panahon para siya gumawa ng kapasyahan. Bata pa siya sa edad na 40, pero alam na niya ang kahalagahan ng pagiging patient at efficient sa kanyang trabaho.
- Latest