Gamit na gamit pa ang social media... Nagbabalik na aktres bumalik ang sumpong, biglang nagkakasakit ‘pag tinatamad magtrabaho/mag-promote
PIK: Isa kami sa nagulat na sa 18 years ni Gloc-9 sa music industry, ngayon lang pala siya nabigyan ng pagkakataong makapag-solo concert.
Sa press launch ng concert ni Gloc-9 na ginanap sa Historia kamakalawa ng tanghali, lumabas ang pagiging makata ng sikat na rap artist sa mga sagot nito.
Kaya ang title ng concert niya ay Ang Kwento ng Makata na gaganapin sa Music Museum sa October 10, 17, 24, at 31.
Tanggap ni Gloc-9 na karamihan sa mga supporters nito ay masa at malaking effort sa kanila para makabili ng ticket sa concert niya.
Naikuwento nito na minsan ay halos malaglag daw siya sa kinauupuan niya nang makita niya ang post ng isang fan niya kung paano nagtipid ng kinita nito para makabili lang ng ticket sa concert niya.
May nakita pa raw siyang fan na nakatsinelas lang na nagpapirma ng album niya, na sa halip na ibili ng sapatos ay ang album pa niya ang pinagkagastusan.
Kaya tinitiyak niyang sa performance niya ay sulit ang perang ipambibili ng album o ticket sa concert niya,
PAK: Bumabalik na naman ba sa dati ang ‘di magandang attitude nitong kilalang aktres na nabigyan ng magandang break ng isang malaking TV network para mabalik lang ang dating sigla ng career?
Tahimik na lang ang producer pati ang mga co-star nitong kilalang aktres dahil ayaw na lang nilang magdala ng negative na isyu sa kanilang project.
Ang buong akala nila ay okay na okay na si aktres, pero ganun pa rin pala ang drama nito. Kapag hindi niya type na mag-promote, nagsasakit-sakitan ito.
Ipinu-post pa nito sa Instagram account niya na may sakit kaya hindi na siya kinukulit na makipag-cooperate sa kanilang promo.
Kung tuluy-tuloy pa rin ang drama nitong si kilalang aktres, ewan ko lang kung masusundan pa ito ng isa pang project.
BOOM: Tuwang-tuwa si AiAi delas Alas nang huling dumalaw siya kay Jiro Manio dahil ang laki na raw talaga ng ipinagbago nito.
Nag-post ito sa kanyang Instagram account ng litrato na magkasama sila ni Jiro dahil nakitaan daw niyang ibang-iba na ito kumpara nung ipinasok niya ito sa rehab.
Ikinuwento raw ni AiAi kay Jiro ang nangyari nung nagpunta siya sa Japan para makausap ang ama ng binata. Nalungkot daw ito nang nalaman niyang may sakit ang ama, kaya gumawa ito ng sulat na dadalhin doon ni AiAi sa pagbalik niya sa Japan.
Sa susunod na buwan ay may show sila ni Alden Richards sa Japan kaya dadalhin daw niya ang sulat ni Jiro para sa kanyang ama. Sana raw ay matuloy ang pakikipag-usap niya sa ama ni Jiro para maayos na ang pagkikita nila.
Ang isa pang ikinatuwa ni AiAi ay nang nalaman niyang gumawa si Jiro ng sulat para sa kinalakihan niyang ama. Nag-sorry daw si Jiro at maayos daw ang sulat na ibibigay nito sa kanyang adopted father.
“Tingin ko okay na talaga siya at talagang nagbago na. Ang maganda pa ay sumusunod siya sa akin, at nakita kong maka-Diyos na siya at nagdadasal na siya,” masayang pahayag ni AiAi.
Bukas sa CelebriTV ay masaya ang tsikahan nina AiAi at Jessica Soho na dumaan sa nakakatawang challenge.
- Latest