Kaya may sariling mundo aktres hindi nirespeto ang mga magulang kahit kailan
Komento ng isang nakakuwentuhan namin, “Kung ang sariling magulang nga niya, e, hindi niya nirerespeto, sino pa ang hindi kayang balewalain ng taong ‘yun?”
Ang pasaring na ‘yun ay ipinatutungkol ng aming kausap sa isang female personality na umaani nang sangdamakmak na negatibong komento ngayon dahil sa kanyang pagmamaangas.
Ayon sa tropa ng aming source ay may sariling mundo ang babaeng personalidad, sobra ang pagka-insecure, kulang na kulang sa pansin.
“Kahit nu’ng bata pa siya, e, ganyan na siya. Kapag hindi siya napag-uusapan at nauungusan ng mga kasamahan niya, e, gagawa at gagawa siya ng paraang mapansin.
“At saka mahilig na talaga siyang pumapel na kotrabida kahit nu’n pa! Kapag lahat, e, nagkakampihan sa A, siguradong nasa B siya, para maiba naman siya!
“Ganu’n siya ka-insecure, reyna siya ng mga KSP!” madiing sabi pa ng aming source na sinang-ayunan naman ng kanyang mga kasama.
Kung makapangontrabida ngayon ang babaeng personalidad sa isang popular na personalidad sa larangan nito ay parang wala nang bukas. Kinokontra niya ang isang taong kung tutuusin ay hindi malayo sa kanya ang relasyon.
Patuloy ng aming source, “Kundi ba naman walang utang na loob ang babaeng ‘yun! Nu’ng mga panahong napakadilim ng mundo niya dahil sa mga personal problems, sino ba ang kumandili sa kanya?
“Sino ba ang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya? Sino ba ang mga inistorbo niya? Sino ba ang nagbuo uli ng pagkatao niya? Walang utang na loob ang babaeng ‘yun!” napapailing na komento ng aming impormante.
Simple lang ang nasabi ng mga nakarinig sa kuwento, “Aysus, kabarus, Vito Cruz, Sta. Cruz!”
Ubos!
Jose bumigay ang katawan sa sobrang trabaho
Sumama ang katawan ni Jose Manalo nu’ng isang araw. ‘Yun ang dahilan kung bakit wala siya sa isang episode ng kalyeserye. Ginawan na lang ng paraan sa kuwento na kunwari ay nagpunta siya sa Embassy para ayusin ang kanyang mga dokumento.
Hindi simple ang ginagawa nila ni Wally Bayola araw-araw. Isang katawang yari sa bakal ang kailangan nila dahil sumasampa na sila sa entablado ng Zirkoh sa gabi ay halos wala pa silang tulog na nagre-report na agad sa location ng All For Juan, Juan For All ng Eat Bulaga.
Kundi nila aalagaan ang kanilang sarili ay talagang magkakasakit silang dalawa. Inagapan agad ng mga namamahala ng TAPE, Incorporated ang sitwasyon ni Jose, hindi na muna siya pinag-report sa kalyeserye, para makabawi siya ng lakas.
Bukod sa kilig ng AlDub ay napakahalaga ng papel na ginagampanan nina Jose at Wally sa kalyeserye, idagdag pa si Paolo Ballesteros, sila ang bumubuhay sa parte ng pagkokomedya sa matagumpay na segment ng Eat Bulaga.
Wala nang makapipigil pa sa patuloy na pagtaaas ng hysteria ng bayan sa kalyeserye, bahagi na ng pananghalian ng mga Pinoy ang napakasarap na kilig na hatid nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub), wala nang makakokontra du’n.
Kailangan nang tanggapin ng kalaban nilang programa na ang kasikatan ay parang bagyo na hindi kayang pigilan kahit ng mga makina ng PAG-ASA.
Sabi nga ni Lola Nidora, “Lahat ay nangyayari sa tamang panahon…” At ito na ‘yun.
- Latest