John Lloyd may pag-asa uling makapasok sa Magic 8; Aljur nanganganib malusaw ang pelikulang pang-MMFF?!
Narinig na marahil ng producer ng pang-MMFF (Metro Manila Film Festival) movie na Hermano Pule na nagtatampok kay Aljur Abrenica ang kapalarang kinakaharap ng isang pang historical movie na kasalukuyang ipinalalabas ngayon sa mga sinehan. Kulang sa P100-M ang ginastos sa paggawa ng Heneral Luna pero malinaw na mahirap itong makabawi dahil kakunti ang gustong manood nito. Kaya parang takot na itong maglabas ng pera.
Sayang naman dahil inaasahan ng kampo ng Kapuso actor na tuluyan na itong makakabalik sa mainstream matapos ang mahabang pamamahinga dulot ng problema nila ng kanyang network. Nangangamba tuloy ang mga nasa likod ng produksyon na baka hindi ito umabot sa itinakdang deadline para sa pagsusumite ng mga pelikula para sa taunang Pista ng Pelilkula. Kaya nagkaro’n na naman ng pag-asa na makapasok muli ang movie ni John Lloyd Cruz na Honor Thy Father bilang pamalit sa Hermano Pule.
Kasalukuyang umaani ng papuri ang movie ni Lloydie na idinirek ni Erik Matti sa Toronto International Film Festival sa Canada.
Vic at AiAi kampante nang lalaban sa MMFF
It’s Maine Mendoza aka Yaya Dub vs. Angelica Jane Yap o Pastillas Girl ang labanan ngayon sa noontime shows. Bentahe na si Yaya Dub dahil kahit dadalawang buwan pa lamang siya sa kanyang kasikatan ay napakarami nang blessings ang kanyang tinatanggap plus meron siyang ka-loveteam na tanggap ng mga fans and followers nila, si Alden Richards.
Sa kabila ng pagtutol ng followers ng marami sa It’s Showtime na naungusan na sila ng AlDub tandem, hindi mapasusubalian na magpapatuloy sa kasikatan ang dalawang Dabarkads sa Eat Bulaga. Heto nga at bukod sa milyones na talent fee na nakukuha nila sa kanilang mga TV commercial ay isinali na rin sila sa pang-MMFF movie nina Vic Sotto at AiAi delas Alas na kung dati ay pinangangambahan na baka hindi makaarangkada sa pitong kalaban nilang pelikula, ngayon ay pwede na silang magpapetiks-petiks dahil nakasisiguro nang panonoorin ang pelikula nila!
Samantala, si Pastillas Girl ay pinagtatakhan naman ng maraming manonood kung bakit madaling nakapili sa tatlo niyang online suitors para ipagpatuloy ang panliligaw sa kanya. Baka naman kasi may dumating pang mga bagong manliligaw na mas higit na susuportahan ng mga manonood ng It’s Showtime. Bumandera rin naman ang programa matapos na magkita’t makaayos ni Pastillas Girl ang kanyang ex-BF.
Ano pa kayang gimik ang maiisip ng mga nasa likod ng dalawang programa para mapanatili ang kanilang kumpetisyon? Abangan.
Nora at Armida kinilala ang mga ginawa sa sining
Sina Nora Aunor at Armida Siguion-Reyna ay dalawa sa mga alagad ng sining ng pelikula na kinilala’t ginawaran ng karangalan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) for their works that enrich the development of their art form. Tinanggap nila ang kanilang awards sa isang makulay na seremonya na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo kamakailan.
Pinarangalan si Nora dahil sa napakarami niyang ginawang magagandang pelikula at si Armida naman para sa musical theater and films.
Sinorpresa si Nora sa pagdalo sa okasyon ng kanyang anak na si Lotlot de Leon at apong si Janine Gutierrez. Si direktor Carlos Siguion-Reyna naman ang tumanggap ng parangal para sa kanyang ina.
Ang Gawad CCP ay ipinagkakaloob tuwing ikatlong taon sa mga tao o grupo na consistent sa paggawa ng kanilang mga trabahong nakakapagpayaman sa kanilang sining.
- Latest