Dennis ayaw nang maghabol sa mga anak
Ang pakiramdam ng comedian na si Dennis Padilla ay nagamit lamang siya sa debut ng kanyang panganay na anak sa ex-wife nitong si Marjorie Barretto na si Julia Barretto dahil pagkatapos umano ng ika-18th birthday nito ay hindi na ito (Julia) nagpakita at hindi na rin niya ito nakakausap.
Last July 18 sa hearing ng Petition to Change Name na inihain ni Julia, hindi ito sumipot kundi ang kanyang abogado lamang pero dumalo si Dennis na siya namang nag-file ng Motion to Intervene para mapigilan ang pagpapalit ng apelyido ng kanyang panganay na anak kay Marjorie. Pero nagulat si Judge Manuel Sta. Cruz ng Quezon City Regional Trial Court dahil sa halip na i-push ni Dennis ang kanyang mosyon ay personal na itong nag-withdraw sa kanyang isanampang mosyon at binibigyan na niya ng laya si Julia na gamitin ang apelyido ng ina (Marjorie) at tanggalin ang kanyang apelyidong Baldivia (tunay na family name ni Dennis) kung ito umano ang gustong mangyari ni Julia.
Sa bagong development na ito, malamang nga na i-grant na ng korte ang petition ni Julia to drop her father’s real surname na Baldivia at gagamitin na niya officially ang apelyido ng kanyang ina na Barretto.
Kapag tuluyang inalis ni Julia ang apelyido ng kanyang amang si Dennis Padilla, mananatili itong `tinik’ sa kanyang career dahil kahit papaano ay na kay Dennis ang simpatiya ng publiko.
Ipinauubaya na lamang ni Dennis sa Diyos at sa judge kung ano ang magiging final judgment sa petisyon ni Julia at tatanggapin na lamang daw niya sa kanyang puso gaano man ito kasakit para sa kanya.
TVJ may konek pa rin sa Kapamilya
Kahit identified ngayon ang TVJ (Sen. Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon) sa pagiging Kapuso dahil sa long-running noontime show na Eat Bulaga, walang exclusive contract ang tatlo sa GMA kundi sa TAPE, Inc. na siyang producer ng Eat Bulaga. Kaya malayang nakakagawa ng show sina Vic at Joey sa TV5.
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng pirmihan ng kontrata between Star Music (music and record arm ng ABS-CBN) at Tito, Vic & Joey represented by Sen. Tito Sotto. Ang Star Music na ngayon ang namamahala ng mahigit isang daang komposisyon ng TVJ na sumikat nung dekada sitenta up to early 80’s.
Samantala, there was also a time na ang Eat Bulaga ay umere sa ABS-CBN sa loob ng ilang taon bago ito lumipat ng GMA na siyang tahanan ngayon ng top-rating at longest-running noontime show.
Ryzza sumabak sa workshop pagkatapos magpatawa
Hindi ikinakaila ni Aleng Maliit na si Ryzza Mae Dizon na nalungkot siya sa pagpapaalam sa ere ng kanyang more than two-year-old daily morning talk show na The Ryzza Mae Show dahil nag-enjoy siya nang husto sa nasabing programa.
Ganunpaman, kung nalungkot siya sa pagkawala ng kanyang daily show na nagtapos last Friday, September 18, excited naman siya sa pagsisimula ng kanyang kauna-unahang TV drama series na Princess in the Palace (very Koreanovela ang dating) na magsisimulang mapanood bukas, Lunes sa ganap na ika-11:30 ng umaga at mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes same time slot ng kanyang nawalang The Ryzza Mae Show.
Panay drama naman daw ngayon ang kanyang ginagawa sa Princess in the Palace na pinamamahalaan ni Direk Mike Tuviera.
Bago nagsimula si Ryzza Mae ng taping ng kanyang first TV drama series ay sumailalim siya ng workshop kina Direk Gina Alajar at Pen Medina.
- Latest