Kapuso primetime love teams nagpakilig sa Davao at Cagayan de Oro
MANILA, Philippines – Bago pa man magsimula ang Marimar, nauna na ang mga Dabawenyo na masilayan ang pinakabagong Kapuso love team sa primetime TV—sina Tom Rodriguez at Megan Young, ang mga bagong Sergio at Marimar sa Filipinized version ng sikat na Mexican telenovela noong 90s. Sinundan naman ito ng successful event nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ng My Faithful Husband, sa Higalaay Festival ng Cagayan de Oro City.
Unang binigyan ng local flavor ang Marimar, na pinagbidahan ng Mexican actors na sina Thalia (Marimar) at Eduardo Capetillo (Sergio), ng GMA Network noong 2007. At matapos ang halos isang dekada, muli itong binuhay ng GMA. Posible kayang magkatotoo ang on-screen romance ng bagong lead stars nito?
Patunay nga rito ang mainit na pagtanggap sa dalawa sa nakaraang Kadayawan Festival participation ng GMA Regional TV kung saan magkasamang lumipad pa-Davao sina Tom at Megan.
Nagdagsaan ang fans nila sa Annex Event Center ng SM City Davao noong August 21 para mapanood sila nang personal sa isang Kapuso Mall Show. Nagsayaw si Megan to the tune of Marimar samantalang hinarana naman ni Tom ang mga kababaihan na todo-kilig sa binata.
Bukod kina Tom at Megan, kasama rin sa Kadayawan festivities ng tinaguriang “Crown Jewel of Mindanao” sina Rhian Ramos, Mike Tan, Mikael Daez, Kylie Padilla, Martin Del Rosario at Julian Trono.
Sina Rhian at Mike, nagpasalamat sa kanilang fans sa isang show sa Abreeza Mall Activity Center noong August 23 para sa suportang nakuha ng The Rich Man’s Daughter habang inimbita naman ni Mikael ang mga ito para tangkilikin ang My Faithful Husband. Ang Buena Familia stars naman na sina Kylie, Martin at Julian, dinumog sa Gaisano Mall of Davao.
Isa ring malaking event sa Mindanao ang Higalaay Festival ng CdeO, ang “City of Golden Friendship.”
Nagpakilig at talaga namang tinilian ng jam packed crowd ang rumored couple na sina Dennis Trillo and Jennylyn Mercado sa kanilang Kapuso Mall Show na idinaos sa Activity Center ng Centrio Ayala Mall noong August 29.
Sa ipinakitang sweetness ng dalawa na consistent on and off the stage, mahirap talagang maniwalang hindi totoo ang kanilang on-cam romance sa My Faithful Husband.
Nitong Biyernes lang, September 11, na-experience naman nina Kylie, Martin, at Julian ang saya ng Tuna Festival kung saan mainit ding tinangkilik ang kanilang mall show.
Ang nasabing mall shows sa regions ay bahagi ng efforts ng GMA para ipadama sa Kapuso viewers nationwide ang pasasalamat nito sa pagtangkilik sa Network sa pamamagitan ng pagdadala ng stars nito sa iba’t ibang parte ng bansa.
- Latest