Startalk talung-talo ang naging relasyon ng maraming showbiz couple!
May mga crying scene sa pagbababu ng Startalk noong Sabado pero hindi ito nakunan ng mga television camera.
Bilang respeto sa kanilang feelings, hindi ko na sasabihin kung sino sa mga co-host ko ang nag-cry me a river sa pagwawakas ng Startalk.
Twenty years is twenty years. Mahirap magpaalam sa isang programa na tumagal ng dalawang dekada sa telebisyon. Marami ang mga showbiz couple na naghiwalay at hindi tumagal ng sampung taon ang pagsasama. Talung-talo sila ng Startalk na umabot ng 20 years ang pamamayagpag sa telebisyon.
INC at Viva, VIP ang turing sa staff ng Felix Manalo
Magkakaroon ng bonggang party ang cast and crew ng Felix Manalo at mangyayari ito sa isang sosyal na venue.
Hindi nagkaroon ng wrap party ang cast at production staff ng epic movie ng Viva Films kaya looking forward sila sa kanilang muling pagsasama-sama na hindi kailangan na magtrabaho ang bawat isa dahil pure fun lamang ang mangyayari.
Halos dalawang buwan ang binuno ng cast at production crew para makabuo ng isang pelikula na maipagmamalaki ng lahat ng mga Pilipino. Sa tagal ng kanilang pagsasama, pamilya na ang turing nila sa isa’t-isa.
Malapit nang mangyari ang bonggang cast party na siguradong mauuna sa grand premiere ng Felix Manalo sa Philippine Arena sa October 4.
Pinahahalagahan ng Viva Films at ng Iglesia Ni Cristo ang kontribusyon ng production staff sa Felix Manalo kaya invited ang lahat sa much-awaited premiere ng isinapelikula na talambuhay ni Ka Felix, ang First Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo. Ibibigay sa production staff ang choice seats sa Philippine Arena bilang pagbibigay sa kanila ng importansya.
Pagluluto ni Alden sinabutahe raw
May natanggap ako kahapon na mga reklamo mula sa viewers ng Sunday PinaSaya ng GMA 7.
Ang sey ng mga complainant na cable subscribers, nawala ang signal ng kanilang mga telebisyon habang palabas ang cooking segment ni Alden Richards sa Sunday PinaSaya.
Marami at hindi lamang isa ang nagreklamo tungkol sa nangyari kaya ipinapaabot nila sa Kapuso Network management ang mga naging problema habang nanonood sila ng segment ni Alden sa Sunday PinaSaya. Naghain na noon ng reklamo sa National Telecommunications Commission ang GMA Network dahil sa similar complaints na ipinarating sa kanila ng bothered cable subscribers.
Wally nakipagtagisan ng acting kay Nora
Hindi lamang ang cooking segment ni Alden sa Sunday PinaSaya ang inaabangan ng televiewers dahil type na type nila ang acting segment ni Coach Cynthia, kasama ang mga mahuhusay na artista.
Si Coach Cynthia ang isa sa maraming mga karakter ni Wally Bayola na nakikipagtagisan ng acting talent sa mga multi-awarded actress gaya nina Jaclyn Jose at Cherie Gil.
Si Nora Aunor ang katunggali kahapon ni Coach Cynthia sa pag-arte kaya nire-request ng fans na maimbitahan din sana sa Sunday PinaSaya sa mga susunod na episode ang Star for All Seasons at ang Batangas Governor na si Vilma Santos-Recto.
Ingles balu-baluktot, aktres na bida sa indie film bagsak sa pagpapa-impress
Palihim na nilait sa isang presscon ang aktres na lead star ng isang indie movie na malapit nang ipalabas sa mga sinehan.
Ang mga entertainment writer na dumalo sa presscon ang nang-okray sa aktres dahil mali-mali ang Ingles nito.
Imbyerna ang mga reporter sa aktres na pa-impress dahil puwedeng sagutin niya sa wikang Pilipino ang mga tanong pero nag-trying very hard siya sa pagiging Inglesera.
Hindi nagtagumpay ang aktres na mapabilib ang showbiz press na tinawag siya na The Great Pretender.
- Latest