Kaya tumaba sa depression aktres ginawang punching bag ng dating karelasyon
May dahilan pala kung bakit nadagdagan nang husto ang timbang ng isang kilalang aktres na nagbibida-kontrabida sa pelikula. Depresyon ang sinasabing dahilan ng kanyang mga kaibigan.
Ilang beses na kasi siyang nakikipagrelasyon pero palaging maling lalaki ang kanyang natatagpuan. Mga edukadong lalaki naman ang nakakarelasyon niya pero palagi siyang sinasaktan.
Sabi ng isang source, “Tingnan mo nga naman, maldita ang dating niya, super-talino, pero palagi siyang sinasaktan ng mga nagiging boyfriend niya. Wala siyang magawa. Nakakaawa naman siya.”
May isang pagkakataon na inimbita siya ng mga non-showbiz niyang kaibigan sa isang party. Nagulantang ang mga ito dahil naka-close neck na ang aktres at naka-long sleeves ay napakakapal pa ng kanyang make-up.
Napakaganda pa naman niya lalo na kapag walang kolorete sa mukha, du’n sanay ang kanyang mga kaibigan, kaya takang-taka ang mga ito kung bakit sobrang kapal ng make-up ng kanilang kaibigan nu’ng gabing ‘yun.
Nu’ng palalim na ang gabi ay bigla siyang napahagulgol, ipinakita niya ang leeg at mga braso niya, punumpuno ‘yun ng mga pasa. Binugbog pala ng kanyang boyfriend ang aktres.
Ini-engganyo siya ng kanyang mga kaibigan na kasuhan ang lalaki, pero ayaw niya, sigurado raw kasing pagpipistahan ang nangyari sa kanya na ayaw na ayaw niya.
Ganu’n din ang nangyari sa sumunod niyang pakikipagrelasyon, para rin siyang punching bag sa lalaki, palagi siyang sinasaktan. Pero mabilis siyang magdesisyon, nakikipaghiwalay agad siya, mahal ng aktres ang kanyang sarili.
Nu’n niya natimbang-timbang ang lahat. Babaero man ang pinakasalan-hiniwalayan niyang male personality ay hindi naman siya nakatikim ng kahit pitik lang mula sa ama ng kanyang mga anak.
Ubos!
Kapatid network hindi nasayang ang puhunan kay Mark Neumann
Sa darating na Biyernes nang gabi na ang pagtatapos ng Baker King. Hindi nasayang ang panahon at puhunan ng TV5 sa unang Filipino adaptation ng Korean-novela dahil tinutukan ng publiko ang palabas at isang magandang istorya ang kinagiliwang panoorin ng ating mga kababayan.
Ang nabiyayaan nang malaki sa Baker King ay si Mark Neumann, ang gumanap bilang bidang si Tak-Gu, sa pagtatapos ng Baker King ay maiiwanan naman sa alaala ng mga nanood na hindi na siya basta guwapong mukha lang kundi isa nang aktor.
Saludo kami sa propesyonalismo ng young actor na ito. Napakalaking hamon kasi talaga para sa kanya ang Baker King.
Kailangan niyang matutong magsalita ng Pilipino nang walang twang, dire-diretso, at dapat niyang kambalan ng tamang emosyon ang mga dialogues na binibitiwan niya.
Nagtagumpay si Mark. Hindi nabigo si Direk Mac Alejandre sa inaasahan nito mula sa kanyang bida. Sa mga eksenang kinailangan niyang umiyak ay hagulgol ang ibinibigay ng guwapong binata.
Sa malapit nang pagtatapos ng serye ay nagkita na sina Tak-Gu at Sonia, ang kanyang ina na ginagampanan ng mahusay ring aktres na si Diana Zubiri, hindi umuulan nu’ng gabing ‘yun pero bumaha ng luha dahil sa madrama nilang eksena.
Kailangang magtabi ng kopya ng video ng Baker King si Mark Neumann. Maipagmamalaki niya ‘yun sa kanyang mga magiging anak. Matinding pasasalamat ang dapat niyang itawid sa TV5 sa napakagandang oportunidad na ibinigay sa kanya ng network sa pamamagitan ng Baker King.
- Latest